Tagumpay na ginapang ng SIBOL Mobile Legends: Bang Bang team ang lower bracket ng International Esports Federation World Esports Championship 2022 (IESF WEC 2022) para muling makaharap ang Indonesia, ang koponang siyang dahilan sa kanilang pagkakalaglag, sa grand final.

Apat na koponan—Slovenia, Argentina, Malaysia, at Cambodia—ang pina-uwi ng pambato ng Pilipinas para maselyo ang pagkakataong makapag-uwi ng gintong medalya mula sa gumugulong na turneo.

Para sa kinatawan ng bansa na binubuo ng mga miyembro ng Blacklist International, hindi na rin bago sa kanila ang araruhin ang lower bracket matapos mabigo sa unang round ng upper bracket. Kaya’t ngayong nagbabalik sila sa grand finals, siniguro ng SIBOL sa kanilang mga taga suporta na handang-handa na sila.



Para sa Pilipinas: SIBOL handang-handa na sa finals ng IESF WEC 2022

Anong dapat asahan sa SIBOL sa gold medal match kontra ID sa IESF WEC 2022?
Credit: Blacklist International

Iisa ang sagot nina Danerie James “Wise” Del Rosario, Salic “Hadji” Imam, at Kiel “OHEB” Soriano nang eksklusibo silang makapanayam ng ONE Esports ukol pag-aalayan nila ng kanilang kampanya sa IESF WEC 2022:

“Para sa Pilipinas.”

“Syempre dala-dala namin ‘yung bansa dito. Hindi naman kami narito [bilang Blacklist International]—SIBOL kami,” dagdag ni Wise.

Bukod sa walang humpay na pagsasanay gamit ang bagong device, ibinahagi ng SIBOL na may inihanda rin silang bago para sa grand finals. Matatandaang kinumpirma ni Edward Jay “EDWARD” Dapadap na marami pa silang itinatagong stratehiya matapos ang pangingibabaw niya bilang Joy sa lower bracket finals kontra Cambodia at tila pareho sila ni Wise magpahapyaw.

Anong dapat asahan sa SIBOL sa gold medal match kontra ID sa IESF WEC 2022?

Sa kahabaan ng turneo, napatunayan ng tinaguriang King of the Jungle na wala na halos balakid sa kung sinong hero ang pwedeng gamitin bilang jungler. Hindi na kasi nakukulong sa Tank o Assassin ang mga hero para sa role na ‘to lalo na’t nagamit na ni Wise ang mga gaya nina Guinevere, Granger, Fredrinn, Baxia, at Grock.

“Tignan natin kung may ilalabas tayo bukas,” pahiwatig ni Wise.

Asahan naman daw na pina-level up pa na OHEB ang maglalaro sa gold medal match kontra Indonesia, “‘Yung sobrang ‘ultra instinct‘ na laro—walang deaths.”

Sa kabila ng kumpiyansang kanilang ipinaramdam, nagpabatid pa rin ng good luck ang SIBOL para sa mga manlalaro ng Indonesia na binubuo ng mga miyembro ng EVOS Esports.

Anong dapat asahan sa SIBOL sa gold medal match kontra ID sa IESF WEC 2022?
Credit: Youtube/Garudaku ESI

Nakatakdang ganapin ang grand final ng IESF WEC 2022 mamayang 2:30 ng hapon. Masusubaybayan ang bakbakan sa opisyal na YouTube channel ng Garudaku ESI at Twitch channel ng IESF.



Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: MobaZane: Magiging madali ang Group D para sa The Valley