Matapos mapatid kontra Indonesia, bumalik sa entablado ng IESF 14th World Esports Championship Mobile Legends: Bang Bang Final stage ang SIBOL MLBB na may kargang gigil, dahilan para mapuruhan ang nakatapat na Slovenia sa lower bracket ng torneo.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Kinailangan lamang ng dalawang laro nina Kiel Calvin “OHEB” Soriano para tuluyang burahin sa kontensyon ang mga europeo, at maipagpatuloy ang kanilang redemption arc matapos ang naunang upset.


Soriano asintado, kumana ng 2 MVP performances para pangunahan ang SIBOL MLBB

Pinatunayan muli ni Soriano kung bakit tinawag siyang “The Filipino Sniper” sa sa lower bracket bakbakan. Ito ay matapos niya puksain ang mga Slovenians gamit ang signature Beatrix sa game 1, bago tuluyang sipain ang mga ito sa kontensyon gamit naman ang Wanwan sa game 2.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Hindi nakaporma ang mga katunggali sa pambihirang damage output ng kaniyang Beatrix na mabilis nakakuha ng key items unang mapa. Malaking tulong ang inambag ng Rafaela ni Jonmar “OhMyV33NUS” Villaluna para makabuwelo ang gold laner, katuwang pa ng maagang pressure na idiniin ng Granger ni Danerie “Wise” Del Rosario at Valentina ni Salic “Hadji” Imam.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Bukod sa perpektong 13/0/4 KDA, pambihirang 1,133 gold per minute ang itinala ni OHEB sa larong hindi tumagal ng sampung minuto.

Kung gaano kalinis ang statline ni Soriano sa opener ay gayundin ang ipinamalas niya sa ikalawang mapa. Hawak ang kaniyang Wanwan, pumukol ng 9/0/7 KDA at 906 gold per minute ang 19-anyos para pangunahan ang SIBOL MLBB.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Hindi rin nakatawid sa sampung minuto ang nasabing tapatan, at sa proseso ay nakalawit ni OHEB ang ikalawa niyang sunod na MVP of the game gantimpala.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Sa panalo, aabante ang SIBOL MLBB sa ikalawang round ng Lower Bracket at hihintayin ang malalaglag sa upper bracket semis.

Sundan ang pikahuli tungkol sa SIBOL MLBB sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines.

BASAHIN: IESF 14th WEC MLBB Final Stage Day 1 Recap: Cambodia, Malaysia at Argentina aangat sa 2nd round