Mananatiling buhay ang pag-asa ng SIBOL MLBB at Team Vietnam sa gumugulong na IESF 14th World Esports Championship MLBB Final Stage. Sasamahan ng dalawang teams ang upper bracket semifinalists na Indonesia, Cambodia, Argentina at Malaysia matapos ang Day 2 ng internasyonal torneo.


SIBOL MLBB nagapi ng Indonesia, naghiganti kontra Slovenia

Credit: Blacklist International

Sa pinaka-inantabayanang matchup sa kumpetisyon, hindi nagawa ng SIBOL MLBB ang maisakatuparan ang inasahang tuwid na daan papunta sa grand finals. Ito ay matapos nilang mapatid kontra sa Team Indonesia sa unang seryeng itinampok sa Day 2.

Sumandal ang home team sa pambihirang maniobra ni Rizqi “Saykots” Damank hawak ang Yu Zhong na natagpuan ang krusyal at pasabog na plays sa dalawang magkasunod na laro. Bagamat 2/1/6 KDA lamang ang inilista ng EVOS EXP laner sa unang mapa ay hindi nito naibilang ang napakahalagang play na pinakawalan niya sa ika-11 minuto sa midlane na epektibong bumago ng ihip ng laro.

Credit: ONE Esports

Sa game 2, sentro pa rin ang kaniyang YZ na pumihit ng magagandang huli sa backlines para supalpalin ang debut ng jungler Grock ni Danerie “Wise” Del Rosario.

Dahil sa pagkatalo, nasipa ang SIBOL MLBB sa lower bracket kung saan nakasagupa naman nila ang Slovenia. Sa puntong ito, hindi na binigyan ng mga Pinoy ng pagkakataong masilat pa ang inaasahan nilang daan papunta sa tropeyo.

Asintado ang Beatrix at Wanwan ni Kiel Calvin “OHEB” Soriano, habang ipinamalas naman ni Salic “Hadji” Imam ang kaniyang henyo sa midlane gamit ang Valentina at Pharsa para isarado ang dalawang laro sa ilalim ng sampung minuto.

Bukod sa napakabilis na game time, pambihirang KDA totals din ang ipinako ng dalawang MVPs kung saan nagtala si OHEB ng 22/0/11 KDA habang 15/0/21 naman ang ipinukol ng KDA Machine.


Vietnam pinaglaruan ang Namibia para umangat sa susunod na round

Ipinaghiganti naman ng team Vietnam ang kanilang pagkabigo kontra Malaysia sa Day 1 nang kaharapin nila ang Namibia sa ikalawang serye na itinampok sa Day 2. Hindi nagpaligoy-ligoy ang Southeast Asian team na pinukpok ang kalabang Aprikano simula hanggang dulo sa dalawang larong kinalahukan.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Barats ni  Nguyễn “Jowga” Văn Tô Đô ang nanguna para sa hanay ng Vietnam para isarado ang unang mapa sa loob lamang ng lampas walong minuto. Pumukol ang kaniyang jungler tank ng perpektong 3/0/10 KDA para hiranging Match MVP.

Ipinagpatuloy ng mga Viet ang kanilang agresyon sa game 2, ngayon naman ay sa likod ng Bruno ni  Lâm “Hehehehehehe” Văn Đạt na kumana ng malinis na 4/0/6 KDA. Bukod dito, pambihirang 1,093 gold per minute din ang inilista ng gold laner para isardo ang laro sa lampas lamang ng anim na minuto.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Susubukan ng SIBOL MLBB at Vietnam na ipagpatuloy pa ang kanilang kampanya sa lower bracket kung saan aabangan nila ang malalaglag na teams mula sa upper bracket semis.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa pinakahuling balita ukol sa SIBOL MLBB.

BASAHIN: IESF 14th WEC MLBB Final Stage Day 1 Recap: Cambodia, Malaysia at Argentina aangat sa 2nd round