Bigong mapangibabawan ng SIBOL Mobile Legends: Bang Bang team ang group stage ng regional qualifier 14th World Esports Championship ng International Esports Federation.
Sa kabila ng panalong natamo ng mga miyembro ng Blacklist International kontra mga kinatawan ng Cambodia, kinapos naman ang mga Pinoy laban sa pambato ng Myanmar.
Gayunpaman, hindi pa rito nagtatapos ang pag-asa ng SIBOL na makapag-uwi ng karangalan mula sa turneong gaganapin sa Bali, Indonesia.
SIBOL nilinaw na hindi pa out ang MLBB team sa IESF 14th WE Championship
Sa isang panayam ng ONE Esports, nilinaw ni Jab Escutin, General Manager ng SIBOL, na hindi pa tapos ang kampanya ng national MLBB team sa paligsahan.
“This just means the SIBOL National Team will have a longer route in achieving the championship,” aniya.
Ang pagkatalo raw ng mga pambato ng Pilipinas sa naturang yugto ng turneo ay maaaring ihambing sa upper bracket o lower bracket scenario. Ibig sabihin, muling sasabak sa koponan sa susunod na yugto ng turneo na nakatakdang iraos sa Disyembre.
Buo pa rin daw ang kumpiyansa nila para sa mga national athletes at naniniwala din silang hindi nagbago ang mataas na ng tsansa ng koponan na mapagtagumpayan ang kabuuan ng turneo.
“We’re still confident with the SIBOL ML team come the next stage of the IESF Championship in Bali. This is still the early stages of the tournament and I’m pretty sure the team will use this as a springboard to better understand and learn from the other competing teams,” giit ni Escutin.
Kasalukuyan ding kasali ang mga miyembro ng Blacklist International sa gumugulong na Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10). Pinangingibabawan ngayon ng koponan ang standing ng liga matapos ang limang linggo ng regular season.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: MPL PH Season 10: Storylines, schedule, resulta, format, at saan mapapanood