Nagpaalam na ang TNC Pro Team kina Daniel “SDzyz” Chuu at Salman “KingSalman” Macarambon matapos ang kampanya sa ika-10 season ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH).

Sa magkahiwalay na social media posts, inanunsyo ng organisasyon ang kanilang desisyon na pakawalan sina SDzyz at KingSalman. Parte na ng TNC si SDzyz simula pa noong kunin ng tanyag na organisasyon ang roster ng Work Auster Force noong maging franchise-based ang liga noong ikawalong season.

Samantala, sumali naman sa koponan si KingSalman noong ikasiyam na season bilang reserved player. Hindi siya nagkaroon ng masyadong playing time, puwera na lang nitong nagdaang season kung saan bumida siya bilang midlaner at roamer.


Ang kampanya ng TNC sa MPL PH kasama sina SDzyz at KingSalman

MPL PH roster shuffle: SDzyz at KingSalman tanggal na sa TNC
Credit: MPL Philippines/ONE Esports

Nagtapos sa ikatlong puwesto ang pinakamatagumpay na kampanya ng TNC kasama ang dalawang manlalaro. Naganap ito noong ikasiyam na season kung kailan namayagpag ang Phoenix Army dahil sa paggamit nila ng Jungle Emblem at pag-invade ng jungle.

Sa kasamaang palad, bigo ang koponan na maulit ang kanilang pagpapakitang-gilas noong nagdaang season. Hindi sila nakapasok sa playoffs matapos nilang tapusin ang walong linggo ng regular season na may dalawang panalo at 12 talo.

Sa paglisan nina SDzyz at KingSalman, apat na miyembro na lang ang kasalukuyang natitira sa TNC, ito ay sina Mark “Kramm” Rusiana, Jomearie “Escalera” Delos Santos, Robee “Yasuwo” Pormocille, at Ben “Benthings” Maglaque.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang koponan kung sino-sino ang mga manlalarong papalit sa dalawang umalis.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: 3MarTzy out na sa ECHO