Mula sa pagiging ‘di kilalang manlalaro sa amateur scene at bagito sa professional league, isa na ngayong world champion si ECHO rising prodigy Alston “Sanji” Pabico.

Walang kakaba-kaba sa pagpapakitang-gilas ang 17-year-old mid laner sa kanyang kauna-unahang salang sa international stage upang tulungan ang Purple Orcas na sungkitin ang titulo sa M4 World Championship na idinaos kamakailan sa Jakarta, Indonesia.

Ipinamalas ni Sanji ang kanyang agresibong playstyle gamit ang signature heroes niya na Yve, Pharsa at Faramis. Sa katunayan, pumangalawa siya sa kanyang kakampi na si Finals MVP Benedict “Bennyqt” Gonzales pagdating sa pinakamataas na KDA average (6.38) at ikatlo naman sa damage per gold category (6.39) sa M4.

Kamangha-mangha rin ang galawan na ipinakita niya sa sorpresang Gusion pick na nagdala sa ECHO patungo sa 3-0 lead kontra Blacklist International sa grand finals bago ipako ang championship series sweep.


Sipag at tiyaga talaga ang susi, ayon kay Sanji

Sanji ng ECHO sa M4 champions' interview
Credit: Moonton

Kuwento ni Sanji, ‘di umano niya inasahan na makakamit niya agad ang kampeonato sa kanyang unang tapak sa M-Series lalo pa’t hindi naman daw siya sikat noong naglalaro pa siya para sa PowerPack Gaming at Work Aerial PH sa amateur leagues.

“‘Di ko in-expect na magcha-champion agad ako kasi ‘di naman ako kalakasang player dati sa amateur (scene) eh. ‘Di naman ako nagdo-dominate talaga sa amateur kaya pagpasok ko talaga sa MPL ‘di ko in-expect na mag-champion dito,” saad niya sa eksklusibong interbyu ng ONE Esports.

Credit: Moonton

Ayon sa isa sa mga pinakamalakas na position-4 player ngayon, dinaan niya lang talaga sa sipag at tiyaga ang tinatamasa niyang tagumpay sa kanyang rookie season sa professional level ng Mobile Legends: Bang Bang esports.

“Ang ginawa ko lang talaga nag-grind ako nang nag-grind, nag-practice ako nang nag-practice ng kahit anong hero para magamit ko nang maayos sa mga tournaments.”

Kaya naman payo ni Sanji, na ginapang ang kanyang umaaribang karera mula sa amateur ranks, sa mga nag-aasam na maging Mobile Legends pro player tulad niya: “Mag-grind lang kayo nang mag-grind.”

“Magbatak kayo ng mga heroes niyo. Laruin niyo lahat ng roles at palakihin ang hero pool niyo. ‘Yun lang talaga para ma-discover kayo ng mga teams.”


I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa MLBB news, guides, at updates.