Patuloy ang pagpapakitang-gilas ng mga bagito ng ECHO na sina EXP laner Sanford “Sanford” Vinuya at mid laner Alston “Sanji” Pabico sa M4 World Championship sa Jakarta, Indonesia.

Ito’y kahit pa unang salang pa lang ng kinikilalang “SanSan” duo sa pinakaprestihiyosong torneo ng Mobile Legends: Bang Bang. Bukod pa riyan, isa rin sila sa mga pinakabatang manlalaro sa pandaigdigang kompetisyon.

Sa eksklusibong panayam ng ONE Esports, ibinahagi nila Sanford at Sanji ang kanilang mga rason kung bakit hindi sila nakakaramdam ng kaba sa M4.


Ang sikreto nila Sanford at Sanji para hindi kabahan sa M4

Credit: Moonton

Para sa 16 anyos na si Sanford, pinaghuhugutan niya ng kumpyansa ang mga beteranong kakampi niya na sina Karl “KarlTzy” Nepomuceno, Benedict “Bennyqt” Gonzales, Tristan “Yawi” Cabrera, Jaypee “Jaypee” Dela Cruz at Jankurt “KurtTzy” Matira.

Ginabagayan din sila ni coach Archie “Tictac” Reyes at coach Robert “Trebor” Sanchez na parehong matagal na ring nakikipagsapalaran sa MLBB pro scene.

“Mas ganado ako kasi ‘yung mga kasama ko mga veteran, may mga championship na. Gusto ko sumabay sa kanila,” saad niya. “‘Di ko kailangang magpa-pressure kasi mas malakas kami.”

Sanford ng ECHO sa M4
Credit: Moonton

Kitang-kita ang confidence sa performance ng umaangat na EXP laner upang tulungan ang ECHO na lampasan ang RRQ Hoshi sa lower bracket at ikasa ang PH vs PH M4 grand finals laban sa Blacklist International.

Dalawang beses siyang hinirang na MVP sa serye gamit ang Yu Zhong sa Game 1 at Lapu-Lapu sa Game 3, bago tuluyang ipako ng Orcas ang panalo sa Game 4 kung saan muli niyang nilaro ang hero na hango sa bayaning Pilipino.

Sanji ng ECHO sa M4
Credit: Moonton

Ani naman ng 17 anyos na si Sanji, iniisip niya na naglalaro lang siya ng ranked games para ‘di maramdaman ang matinding pressure bilang rookie sa world stage, lalo na kapag pambato ng host country ang kaharap nila.

“‘Di ako kinakabahan kasi iniisip ko RG lang, pinoy normies na RG,” wika niya.

Malaki rin ang ginampanan niya sa pagpapaluhod ng ECHO sa tinaguriang “King of Kings” ng Indonesia. Nagpasiklab siya gamit ang Kadita at Pharsa sa napakahalagang serye.

Susubukan ng SanSan duo na ipagpatuloy ang kanilang magandang laro sa mainit na rematch ng ECHO at Blacklist International sa grand finals ng M4. Gaganapin ito mamayang 6:30 ng gabi, oras sa Pilipinas.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga istorya patungkol sa M4 at MLBB.