Sinigurado ni Sanford “Sanford” Vinuya at ng kaniyang ECHO na dalawang Pinoy teams pa rin ang maghaharap sa M4 World Championship Grand Finals matapos paluhurin ang RRQ Hoshi ng Indonesia, 3-1 sa gumulong na Lower Bracket Finals.

Pinatahimik ng Purple Orcas ang napunong Tennis Indoor Stadium Senayan sa Jakarta nang gapiin nila ang huling pag-asa ng host country sa apat na laro sa likod ng magilas na performance ng kanilang EXP laner.


Sanford niyakag ang ECHO papunta sa M4 Grand Finals

Credit: Moonton

Bagamat unang pagkakataon pa lamang makalahok sa M World Series, sumandal ang ECHO sa EXP lane ni Sanford na isinalang an pinakamagilas niyang series performance sa kaniyang karera.

Walang nagawa ang RRQ Hoshi nang hawakan ng 16-anyos ang makamandag niyang Yu Zhong sa game one. Ito ay karugtong ng mga henyong anggulo na tinahak ng ECHO EXP laner para suungin ang backlines ng Indonesian team at mahanap ang pick offs sa Beatrix ni Schevenko “Skylar” Tendean.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

MVP ng laro ang batang pro na pumukol ng 5/1/7 KDA katuwang ng 71.3% kill participation.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Kahit pa bigo si Sanford na dalhin ang kaniyang pangkat sa tagumpay sa game two hawak ang Grock, sinigurado ng kalahati ng San-San Duo na ito na ang huling pagkakataon ng RRQ Kingdom na makapag-ingay.

Sa harap ng isa sa pinakatinitingalang EXP laners sa mundo, ipinakita ng ECHO star kung gaano katindi ang kaniyang Lapu-Lapu sa dalawang huling laro ng serye.

Timbog ang parehong Yu Zhong (game three) at meta pick na Gloo (game four) ni Rivaldi “R7” Fatah sa kamay ni Sanford, na epektibong nagpabaga sa makinarya ng kaniyang hanay na puwersahin ang team fights sa paligid ng Lord pit at base push.

Nagpamangha ang pro nang matagpuan niya ng Triple Kill sa ika-16 minuto ng game three upang makuha ang 2-1 abante. Gayundin ang nasaksihan ng mga miron sa fighter niya sa closer na binuwag ang porma ng RRQ para itala ang game-high 7 kills, kasama pa ng 6 assists kontra 3 deaths.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Dahil sa panalo, naikasa ni Sanford at ng ECHO ang All-Filipino Grand Finals sa M4 kung saan muli niyang susubukan na dalhin ang kaniyang pangkat sa tagumpay kontra sa Blacklist International.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook!

BASAHIN: Kahit baguhan sa world stage, hindi kabadong makipagsabayan sina Sanford at Sanji ng ECHO sa M4