Ipinakita na ng RSG Slate PH ang kanilang kumpletong roster ng mga manlalaro para sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 11.
Pangungunahan pa rin ni MPL PH S9 Regular Season MVP Dylan “Light” Catipon ang kasalukuyang hari ng Mobile Legends Southeast Asia Cup (MSC) na tinatampok ngayon si dating Nexplay EVOS star jungler John Paul “H2wo” Salonga kasama ang ilang holdovers at newcomers.
Kapansin-pansin na hindi kasama sa lineup sina jungler Jonard “Demonkite” Caranto, mid laner Arvie “Aqua” Antonio at assistant coach Karl “Giee” Barrientos. Ayon kay team manager Lexie Yambao, magpapahinga sina Demonkite at Aqua nang isang season.
“As of now po naka-bench status sila. They requested to rest for one season so after one season, we will again check kung gusto na nilang mag-laro ulit,” paliwanag niya sa isang panayam noong MPL PH S11 media day.
Nauna nang inanunsyo ng organisasyon na wala na sa kanila ang beteranong EXP laner at Southeast Asian Games 2019 gold medalist na si Kenneth Jiane “Kenji” Villa.
Pagbibidahan nila Light at H2wo ang RSG Slate PH sa MPL PH Season 11
Sa kanyang pagpasok sa koponan noong Season 9, iniliwan ni Light ang daanan ng RSG Slate PH patungo sa kampeonato sa pamamagitan ng kanyang hindi matawarang sipag sa paggawa ng plays at pagbigay ng vision upang dominahin ang kontrol sa mapa.
Bahagi rin ang 20-year-old roamer ng pagsakop ng Raiders sa prestihiyosong MSC na idinaos sa Kuala Lumpur, Malaysia noong nakaraang taon at nakilala sa kanyang signature heroes na Franco, Khufra, at Chou.
Pupunan naman ni H2wo ang butas na iniwan ni Demonkite. Galing ang 20-year-old jungler mula sa masalimuot na kampanya para sa Nexplay EVOS sa loob ng limang seasons.
Sa kanyang social media post matapos ibunyag ang paglipat niya sa RSG, sinabi ni H2wo: “These past few seasons, alam ko hindi ako nag-excel pero hayaan niyo ako patunayan ulit sarili ko sa inyo. Ta-try ko best ko para makabawi. New season, new environment!”
Samantala, nasa RSG Slate PH pa rin ang MSC 2022 Finals MVP na si gold laner Eman “EMANN” Sangco, MPL PH Season 9 Finals MVP Nathanael “Nathzz” Estrologo, at veteran mid laner Dexter “Exort” Martinez, na inaasahang papalit sa puwesto ni Aqua.
Kinuha rin ng koponang pinapatnubayan ng dekoradong head coach na si Brian “Panda” Lim sina Salvick “Kouzen” Tolarba (gold laner), Jann Kirk “Kirk” Gutierrez (EXP laner), at assistant coach John Theo Eusebio.
Kumpletong lineup ng RSG Slate PH para sa MPL PH Season 11
- Dylan “Light” Catipon (roamer)
- John Paul “H2wo” Salonga (Jungler)
- Eman “EMANN” Sangco (Gold laner)
- Nathanael “Nathzz” Estrologo (EXP laner)
- Dexter “Exort” Martinez (Mid laner)
- Salvick “Kouzen” Tolarba (Gold laner)
- Jann Kirk “Kirk” Gutierrez (EXP laner)
- Brian “Panda” Lim (Head coach)
- John Theo “Theo” Eusebio (Assistant coach)
Aasamin ng RSG Slate PH na makabalik sa tuktok ng liga upang maselyo ang tsansa na depensahan ang kanilang titulo bilang “Kings of SEA” sa darating na MSC 2023 na gaganapin sa Hunyo sa Cambodia.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.