Matagumpay na nadepensahan ng RSG SG ang kanilang korona matapos patumbahin ang karibal na Slate Esports, 4-3, sa grand finals ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Singapore Season 4 (MPL SG Season 4).
Isang dominanteng season ang ipinamalas ng MPL SG Season 3 champion. Nagtala sila ng perpektong 7-0 series record sa regular season at natalo lamang sa isang laro mula sa sumatotal na 14. Sa playoffs, winalis nila ang Team SMG, 3-0, bago pabagsakin ang Slate, isang bagong koponan na binubuo ng mga dating miyembro ng EVOS SG, sa lower bracket sa iskor na 3-2.
Hinarap nila ang Slate sa ikalawang pagkakataon sa grand finals. At bagamat umabot sa dulo ang best-of-seven finale, nanaig pa rin ang RSG SG upang iselyo ang kanilang puwesto sa M4 World Championship na gaganapin sa Jakarta, Indonesia sa susunod na taon.
RSG SG pa rin ang pinakamalakas sa Singapore matapos ilista ang back-to-back na kampeonato sa MPL SG
Nagpalitan ng tirada ang magkaribal sa unang apat na laro at tabla sa 2-2 papasok ng ikalimang laban. Urong-sulong ang bakbakan mula early hanggang mid-game hanggang sa lumabas ang Enhanced Lord sa 17-minute mark.
Habang naghahanap ng opening ang parehong koponan sa Lord pit, nahuli ni Slate Esports roamer Akihiro “JPL” Furusawa (Jawhead) si jungler Brayden “BRAYYY” Teo (Balmond) gamit ang Ejector at itinapon ito papasok sa pit upang makuha ang pickoff.
Dahil wala na ang jungler ng RSG SG, tumikada pa ng tatlong kill ang Slate Esports at siniguro rin ang Enhanced Lord. Sinubukan ni RSG gold laner Jovan “Babycakes” Heng (Claude) na depesanhan ang kanilang base laban sa apat na kalaban pero dinedma lang siya ng Slate na mabilis na binasag ang crystal para kunin ang 3-2 match point.
Pinuwersa ng RSG ang ikapito at huling laro salamat sa malinis na performance nila regular season MVP Bellamy “Lolsie” Yeov sa Chou at Babycakes sa Melissa. Pinatahimik nila ang Edith ni Adam “Adammir” Chong at Balmond ni Tristan “Gear” Nathanael, na hindi man lang nakapitas ni isang kill.
Sa winner-takes-all Game 7, sinubukan ng Slate na kontrahin ang melee heroes ng RSG na Julian, Chou at Benedetta gamit ang Cyclops na nag-debut sa liga. Pinagana ng RSG ang kanilang early game advantage at naglista na ng 6-1 kill score sa 10-minute mark.
One-sided ang kinalabasan ng laban dahil ‘di nakabasag ni isang tore ang Slate Esports at nabaon pa nga sa 11K gold deficit. Tuluyang ipinako ng RSG SG ang ikalawang sunod na kampeonato matapos ang malinis na wipeout sa top lane sa 15 minuto ng laro.
Dagdag pa sa pagrepresenta sa Singapore sa darating na M4, na ikatlo nilang pagsabak sa M-series, ibinulsa rin ng RSG SG ang lion’s share na SGD36,450 ng SGD100,000 prize pool.
Para sa mga balita at guides patungkol sa Mobile Legends, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
Ito’y pagsasalin ng katha ni Jules Elona ng ONE Esports.