Matapos magapi ng dalawang ulit sa gumulong na regular season, makakamit na ng RSG PH ang kanilang matamis na paghihiganti pagkaraang patumbahin ang ONIC PH, 3-0, sa unang seryeng itinampok sa MPL Philippines Season 10 Playoffs.
Disiplinado ang atake ng koponan ni Brian “Coach Panda” Lim na isinalang ang objective-centered play sa tatlong laro na kinalahukan kontra sa underdogs ng liga.
RSG PH tinuldukan ang kampanya ng ONIC PH sa MPL PH S10
Sinubukan ng ONIC PH na pagulungin ang mega-sustain lineup sa opener tampok ang Minotaur jungle ni Stephen “Sensui” Castillo at Faramis ni Frince “Super Frince” Ramirez. Bagamat nagawa nilang kuhanin ang kontrol sa mayorya ng laro ay matalinong isolation plays ng RSG PH ang lumutas sa makamandag na hero composition.
Isang engkwentro sa ika-20 minuto ang tuluyang nagdikta ng resulta ng laro matapos makuha ng defending champions ang 3 for none trade, kasama pa ng mahalagang Lord objective para wakasan ang laro sa loob ng 20 minutos.
Muling tinangka ng ONIC PH na paganahin ang Minotaur-centered lineup sa game two ngunit natuto na ang RSG na itinugon ang Mathilda + Pharsa support duo para sa pambihirang kombinasyon ng zoning at sustain.
Muli’t-muling pinaulanan ni Arvie “Aqua” Antonio ang kalaban ng Feathered Air Strike na epektibong pumurnada sa tangka ng Yellow Hedgehog Team sa objective-takes. Malinis na 1/0/6 KDA ang inilista ng RSG PH midlaner para tulungan ang kaniyang team na makalawit ang tagumpay sa loob lamang ng 17 minutes, at ang dambuhalang 2-0 lead.
Pagdako ng game three, nilubayan ng ONIC PH ang Minotaur pick sa pag-asang makukuha ang turnaround tampok ang jungle Dyrroth katuwang na ninakaw na Pharsa. At sa unang bahagi ng laban ay mistulang ito nga ang makakamit ng koponan ni Nowee “Ryota” Cabailo matapos pumukol ang team ng 10 total kills sa unang limang minuto ng laban.
Gayunpaman, hindi bumitaw ang RSG PH na rumebanse sa mid game para kuhanin ang momentum sa ika-11 minute mark ng makahabol sila sa 12-14 kill score. Dikdikan ang naging labanan hanggang sa dulo nang maghalinhinan ang dalawang team sa paligid ng Lord objective, tampok ang Esmeralda ni Ryota na nakakuha ng Unstoppable streak sa ika-19 minuto sa 4 for 3 kill trade.
Bagamat nabuhayan ng dugo ang ONIC sa puntong iyon ay agad itong binawi ng RSG PH ng pagtulungan ng 5-man lineup si Ryota sa top lane sa 22-minute mark, para bigyang-daan ang death push sa mga sumunod na sandali.
Sa panalo, aangat ang defending champions sa ikalawang round kung saan nag-aabang ang makamandag na ECHO.
Sundan ang pinakahuling balita sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: MV33P: OhMyV33NUS inalay ang season award sa fans, sa pamilya at kay Wise