Bagamat katapat ang numero unong team sa MPL Philippines Season 10, hindi nagpatinag ang defending champions RSG PH na tumindig kontra ECHO para panatilihin ang kanilang pangarap na makuha ang upper bracket slot pagdako ng playoffs.

Halos perpektong laro ang inihandog ng RSG PH sa pangunguna nina Arvie “Aqua” Antonio at Jonard “Demonkite” Cedrix Caranto para pataubin ang makamandag na ECHO, 2-1 sa inantabayanang Week 8 Day 2 matchup.


High & Dry Fanny ni KarlTzy isinalang ng ECHO ngunit hindi sapat kontra RSG PH

Credit: MPL Philippines

Unang mapa pa lamang ay ramdam na ang gigil ng ECHO na makabawi mula sa 2-0 sweep na natanggap mula sa S9 champions noong Week 4. Ito ay matapos nilang isalang ang pamatay na Fanny ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno, na mas naging nakakatakot ng gamitan ito ng jungler ng High & Dry talent.

Gayunpaman, hindi inasahan ng Orcas ang inihanda ng Raiders para sa kanila. Walang sawa sina Aqua (Pharsa) at ng katambal na si Dylan “Light” Catipon (Chou) na pigilang makapuwesto ang early game assassin, na muli’t-muli nilang pinagtatadyakan at pinaulanan ng damage para bumagsak sa masalimuot na 1/3/1 KDA matapos ang opener.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Halimaw na 6/1/7 KDA ang inilista ng RSG PH midlaner papunta sa MVP of the game gantimpala.

Bagamat hindi naging matagumpay ang assassin core ng ECHO sa game 1 ay hindi nito tinapyasan ang kumpiyansa ni KarlTzy na isinalang muli ang Fanny sa game two. Sa pagkakataong ito ay ipinakita niya ang tunay na tira ng High & Dry Fanny matapos pumukol ng perpektong 5/0/4 KDA (MVP of the Game) sa larong tumagal ng lampas 20 minutos.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Pagdako ng game three ay naramdaman na ng RSG PH ang kati ng bagong-hain ng ECHO kung kaya’t pinili nilang i-first phase ban ang assassin/fighter. Magandang desisyon ito ang nagbigay ng pagkakataon para naman kay Demonkite na kuhanin ang spotlight.

Subsob ang Purple Orcas sa lakas ng mga sapak ng Paquito ng RSG PH jungler na kumalawit ng 7/1/5 KDA para hiranging best player ng game three.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Sa panalo,makukumpleto na ng defending champions ang season sweep kontra sa regular season leaders. Bukod dito, maililista na rin nila ang kanilang ika-20 points para manatiling umaasa sa upper bracket seeding.

Sundan ang pinakahuli sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like pag-follow sa ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Owgwen, Bren Esports winalis ang Smart Omega para sa 3-match winning streak