Buhay pa rin ang pag-asa ng RSG PH na madepensahan ang kanilang korona. Ito ay matapos nilang lusutan ang matikas na BREN Esports sa limang laro para umangat sa Lower Bracket Finals ng MPL Philippines Season 10 Playoffs.
Dominanteng play ang ipinakita ng Raiders sa decider kung saan tinambangan nila ang BREN sa 12-1 kill score para opisyal na tuldukan ang playoff kampanya ng mga pambato ng The Hive.
RSG PH magpapatuloy sa LB Finals matapos lusutan ang BREN
Malagkit ang pagbubukas ng serye sa pagitan ng dalawang lower bracket semifinalists na naghalinhinan sa pagkuha ng posisyon sa paligid ng Lord objective. Sa ika-17 minute ng laro, natagpuan ng RSG PH ang 3 for none trade para makuha ng libre ang malaking objective, bago pagulungin ang death push sa sumunod na sandali.
Bida sa opener ang Paquito ni Nathanael “Nathzz” Estrologo na pumukol ng solidong 4/1/9 KDA para kaliwitin ang unang MVP of the Game award ng serye.
Ipinagpatuloy ng RSG PH ang agresyon mula sa game one tagumpay, sa pagkakataon namang ito ay sa likod ni Dylan “Light” Catipon hawak ang Chou na muli’t-muling binuksan ang team fights para makakuha ng key pickoffs ang kaniyang hanay.
Krusyal ang Way of the Dragon + Flicker combo niya kay Kyle “KyleTzy” Sayson (Karina) para libreng makuha ni Jonard “Demonkite” Caranto (Julian) ang Enhanced Lord, at pagulungin ang wipeout sa sa mga sumunod na sandali. MVP of the Game ang roamer ng Raiders na pumukol ng 0/2/12 KDA.
Kung anung gilas ang Chou ni Light sa ikalawang mapa ay iyon din ang ipinamalas ni Rowgien “Owgwen” Unigo sa sumunod na laro bilang sagot sa RSG PH. Bagamat nagtala lamang ng 2/2/3 KDA ay malaking bahagi ang ginampanan niya para makuha ni KyleTzy ang espasyo para paganahin ang jungler Gusion na pumukol naman ng 5/1/0 KDA.
Pagdako ng game four ay makamandag na Karina ang isinalang ni Demonkite para kuhanin ang maagang kalamagan para sa Raiders karugtong ng perpektong 10/0/4 KDA na hinawakan niya sa mayorya ng laro. Gayunpaman, hindi bumitaw ang mga pambato ng The Hive na pasensyosong dumepensa hanggang makamit nila ang turnaround sa ika-26 minuto ng laban.
Tepok sa Fredrinn ni Vincent “Pandora” Unigo ang Claude ni Eman “EMANN” Sangco, katuwang ng dalawa pang miyembro ng RSG PH na nagbukas ng pintuan para mag-martsa sila papunta sa panalo sa sumunod na minuto. Kahit pa 11 deaths ang natanggap ni Pandora ay sapat ang kaniyang clutch play para hirangin siyang MVP ng laro.
Pagdako ng huling laro ay hindi pumanig ang ihip ng tadhana para sa koponan ni Francis “Coach Duckey” Glindro. Hindi nila nagawang pigilan ang arangkada ng RSG PH na inilabas ang agresibong rotation para isarado ang serye sa loob lamang ng 12 minuto.
Sa panalo, tutuloy ang RSG PH sa lower bracket finals katapat ang ECHO na nauna nang nagpabagsak sa kanila sa lower bracket.
Sundan ang pinakahuli sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Blacklist winalis ang ECHO, sinelyo ang unang tiket sa M4