Hindi pinayagan ni Eman “EMANN” Sangco na makaisa muli sa kaniyang RSG PH ang dekoradong Blacklist International matapos pumukol ng dalawang perpektong laro para sungkitin ang panalo sa inantabayanang matchup sa Week 8 ng MPL Philippines Season 10.
Malaking problema ang idinulot ng kaniyang Karrie sa game one at Melissa naman sa game three sa mga miyembro ng BLCK na muli’t-muli niyang pinaulanan ng damage sa backlines sa tulong ng magandang team fight composition ng kaniyang team.
RSG PH sumuntok pabalik sa BLCK, inilista ang 2-1
Unang mapa pa lamang ng serye ay ipinaramdam na agad ng RSG PH ang kanilang gigil na makabawi mula sa Week 4 pagkagapi mula sa Blacklist. Perpektong 14-0 kill score ang inihandog ng mga pambato ng Raiders sa opener para durugin ang puso ng Agents na dumalo sa ICITE Building.
Malaking bahagi ng panalo ang Karrie pick na isinalang ni Coach Brian “Panda” Lim bilang sagot sa Barats pick ng BLCK. Hindi naman binigo ni EMANN ang tiwala ng kaniyang coach dahil swabeng 7/0/5 KDA ang ipinako ng RSG PH gold laner para makuha ang momentum ng serye.
Bagamat dismayado ang ipinakitang performance sa unang salang ay hindi nito tinanggal ang kumpiyansa ng mga miyembro ng Blacklist. Perpektong laro din ang isinagot ni Salic “Hadji” Imam laban sa defending champions matapos ipakita ang bangis ng kaniyang signature Yve na makailang-ulit na pumihit ng Real World Manipulation para guluhin ang formation ng kalaban.
Nagtala ang KDA Machine ng 8/0/8 KD papunta sa MVP of the Game gantimpala, na epektibo ring nagtulak para makuha ng kaniyang koponan ang kinakailangang puntos para maselyo ang upper bracket pagdako ng MPL PH S10 playoffs.
Inasahan ng mga miron na maipagpapatuloy ng BLCK ang momentum papunta sa decider ngunit iba ang nasa isipan ng RSG PH. Hindi nag-atubili ang defending champions na parisan ang signature Atlas ni Dylan “Light” Catipon ng Melissa ni EMANN na kumitil sa pag-asa ng koponan ng Tier One.
Early game pa lamang ay ramdam na ang epekto ng kontrol at damage ng komposisyon ng koponan ni Coach Panda na hinawakan ang 6k gold lead matapos ang 7 minutes ng laro. Hindi na lumingon pabalik ang team na sinagasaan ang BLCK para tapusin ang laro sa loob lamang ng 14 minutes.
Sa panalo, makukuha na ng RSG PH ang tiyansang maselyo ang 3rd place finish kung mapapatumba nila ang Nexplay EVOS sa kanilang huling match ngayong regular season.
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa pinakahuli sa MPL PH.
BASAHIN: ECHO malinis na trinabaho ang NXPE, kukuhanin ang unang upper bracket slot sa MPL PH S10 playoffs