May dahilan kung bakit Raiders ang tawag sa mga miyembro ng RSG PH at ipinamalas ito ng koponan matapos nilang walisin ang ECHO sa ika-apat na linggo ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10).

Binuksan ng mga orca ang best-of-three serye na sakal-sakal ang defending MPL at MLBB Southeast Asia Cup (MSC) champions. High ground na lang sana ang pumapagitan sa kanila para maselyo ang panalo, pero sa isang iglap, nagawa pa itong baliktarin ng RSG PH.

Ang comeback win ng RSG PH kontra ECHO sa MPL PH S10

Ikatlong-sunod na panalo ng RSG PH nilista kontra ECHO sa MPL PH S10
Credit: ONE Esports

Kumakatok na ang ECHO sa mid inhibitor turret ng RSG PH bandang 14-minuto ng bakbakan. Kasama nila ang Enhanced Lord na pumu-push sa top lane. Habang pinapanatili ang pressure, tinamaan ng pana ng Selena ni Alston “Sanji” Placibo ang Atlas ni Dylan “Light” Catipon.

Sinundan ito ng Way of Dragon ng Chou ni Tristan “Yawi” Cabrera para maselyo ng Akai ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno ang kill sa kalabang tank. Ngunit kahit hindi nakagamit ng Fatal Links, himalang nanaig ang Raiders sa naturang team fight.

Ikatlong-sunod na panalo ng RSG PH nilista kontra ECHO sa MPL PH S10
Credit: MSC 2022

Mabilis na nilusaw ng Kagura ni Arvie “Aqua” Antonio ang tumalong Chou para mapantay ang bilang ng mga miyembro sa bawat koponan, habang magkasunod namang binigyan ng Paquito ni Jonard “Demonkite” Caranto ang kalabang Akai at Selena.

Sa loob ng ilang segundo, apat na miyembro ang nalusaw ng RSG PH. Tanging ang Dyrroth lang ni Sanford “Sanford” Vinuya ang sumusubok na pumigil sa pagpasok sa base nilang mabilis na nilulusaw ng Raiders.

Bagamat umabot ang Akai ni KarlTzy para ma-Heavy Spin palayo ang isang siege minion, hindi ito naging sapat para mapigilan ang RSG PH na mawasak ang kanilang base.



Bitbit ang momentum mula sa kanilang comeback win, mabilis na sinara nina Nathanael “Nathzz” Estrologo ang ikalawang mapa ng serye. Binutata nila ang Alice pick ng ECHO para kay Benedict “Bennyqt” Gonzales para maselyo ang ikatlo nilang sunod na panalo.

Samantala, nakatakda naman nilang harapin bukas, ika-apat ng Setyembre, ang Blacklist International, sa ganap na ikawalo ng gabi.

Masusubaybayan ang mga laban sa opisyal na YouTube at Facebook pages ng MPL Philippines.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: TNC nilista ang unang panalo sa MPL PH S10, winalis ang kasalukuyang No. 1 na ONIC PH