Ibabandera ng RSG Ignite ang magkahalong roster ng mga beterano at bagitong manlalaro sa unang season ng Mobile Legends: Bang Bang Development League Philippines (MDL PH) na lalarga sa ika-15 ng Pebrero.

Inaasahang bibida sina gold laner Clarense “Kousei” Camilo, jungler John “1rrad” Tuazon at roamer John “Perkz” Sumawan matapos maglaro para sa kanilang main team na RSG Philippines (kilala na ngayon bilang RSG Slate Philippines) sa MPL PH.


Magkahalong beterano at bagito ang bumubuo sa lineup ng RSG Ignite

RSG Ignite lineup para sa MDL PH Season 1
Credit: RSG Slate PH

Pinakabeterano sa koponan si Kousei. Nakapasok siya sa MPL noong Season 7 kasama ang Work Auster Force na kalauna’y kinuha ng TNC sa pagsisimula ng franchise system. Lumipat siya sa RSG PH noong Season 9 at nagsilbing substitute para kay Eman “EMANN” Sangco.

Hinugot ng RSG PH sina 1rrad at Perkz mula sa hitik na amateur scene noong nakaraang season. Nagpasiklab si 1rrad sa ONE Esports MPL Invitational 2022 kung saan nagtapos ang Raiders sa 3rd-4th place habang si Perkz naman nagsilbing reserve player sa kanilang rookie season.

Credit: MPL Philippines

Muli namang magsasanib-puwersa sina Kousei at mid laner Patrick “rTzy” Ibarra, na nakilala rin bilang P-God. Magkasama ang dalawa sa Work/TNC noong Season 7 at 8 bago mawala si rTzy sa eksena sa sumunod na season.

Kinukumpleto ng amateur standouts na sina EXP laner Ammiel “Evorts” Menhas at mid laner Arjay “Jaaaaaay” Alcano ang koponan na gagabayan ni head coach Ivan “Navi” Gaucho, na naging bahagi noon ng SGD Omega.

Kumpletong lineup ng RSG Ignite para sa MDL PH Season 1

  • Clarense “Kousei” Camilo (gold laner)
  • John “1rrad” Tuazaon (jungler)
  • John “Perkz” Sumawan (roamer)
  • Patrick “rTzy” Ibarra (mid laner)
  • Ammiel “Evorts” Menhas (EXP laner)
  • Arjay “Jaaaaaay” Alcano (mid laner)
  • Ivan “Navi” Gaucho (head coach)

Sasalang ang RSG Ignite laban sa GameLab sa pinakaunang laban ng MDL Philippines Season 1. Makakaharap din nila sa liga ang Blacklist Academy, Bren Euphoria Esports, ONIC Arsenals, Smart Omega Neos, TNC Neo, NXPE Tiger Cubs at ZOL Esports.

Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.