Kakagaling lang ng koponan ni Brian “Coach Panda” Lim na RSG Slate Philippines sa isang dikdikang serye kontra Nexplay EVOS pero may mas malaking hamon pang naghihintay sa kanila—ang defending world champions na ECHO.
Nakatakdang magharap ang dalawang koponan sa huling araw ng ika-apat na linggo ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 11 (MPL PH Season 11). Susubukang dungisan ng Raiders ang hanggang ngayo’y perpekto pang win-loss record ng mga Orca.
Bago ang naturang laban, ibinahagi ng EXP laner nilang si Nathanael “Nathzz” Estrologo at Coach Panda ang kanilang palagay ukol sa napipintong harapan.
- Ito raw ang tingin ni Coach Tictac na pwede pang ma-improve ng Smart Omega
- Eksklusibo: Ito ang negosyong pinamumuhunan nina OhMyV33NUS at Wise, Bali-Inspired!
Ang palagay nina Nathzz at Coach Panda sa harapang RSG at ECHO
Matatandaang ECHO rin ang naging hadlang para mauwi lang sa ikatlong puwesto ang kampanya ng RSG noong nakaraang season. Ngayon nadagdagan pa ng dahilan kung bakit nila ito dapat paghandaan—at inamin ito ni Nathzz.
“Medyo kabado eh, pero excited ako,” sagot niya nang tanungin kung anong pakiwari niya ukol sa paparating na laban. “Nakakakaba lang kasi sila ‘yung defending M4 champions, tapos winstreak sila eh.”
Sa kabila nito, tila kaabang-abang naman para sa kanya ang paghaharap nila ni Sanford “Sanford” Vinuya, na tinuro niyang dahilan sa gumaganda niyang performance.
“Si Sanford po… nag-champion po siya, parang challenger po ako ngayon—kasi siya ‘yung gusto kong malagpasan pa eh… Challenger ako ngayon ta’s siya yung tinitingala ko,” aniya.
Respeto lang rin ang meron si Coach Panda para sa ECHO. Hinangaan niya kung paano ang mga ito gumalaw sa mapa, at ang malinis nitong communication at exection.
“… That’s the caliber that I really want to reach in the end. For us, since we’re the challenger team this season against ECHO, all I need to do is try to define our strength, no more weaknesses like we showed kanina sa NXPE, and then prepare well sa draft,” sagot ni Coach Panda nang tanungin kung paano nila paghahandaan ang tropa ni Harold “Coach Tictac” Reyes.
Bago sumampa sa entablado, nakaupo bilang second seed sa standings ang ECHO nang may 16 na puntos, habang third seed namang ang RSG nang may 11 puntos. Idaraos ang kanilang harapan mamayang 6:30 p.m.
Para sa karagdagang esports balita, guides, at highlights, i-follow lang ang ONE Esports Philippines sa Facebook.