Naiwasan ng RRQ Hoshi ang sakuna sa kanilang panimulang laro sa M4 World Championship laban sa mabangis na Occupy Thrones, salamat kay star gold laner Schevenko David “Skylar” Tendean.

Gamit ang Karrie, pinagbidahan ni Skylar ang malupit na pagbangon ng “King of kings” ng Indonesia mula sa malaking kalamangan na itinayo ng MPL Middle East & North Africa (MENA) champions sa kanilang kakaba-kabang bakbakan sa Group C.


RRQ Hoshi nilista unang panalo sa M4 sa likod ng Karrie ni Skylar

Skylar ng RRQ Hoshi
Credit: Moonton

Ginulat ng Occupy Thrones ang mga miron sa Bali United Studio sa Jakarta, Indonesia maging ang mga manonood online dahil ‘di lang nila nasabayan ang RRQ Hoshi kundi nalamangan pa nila ito. Nakuha ng pambato ng MENA ang lahat ng Turtle, at dalawang beses tinalo ni Mustafa “Lio” Mahmoud (Akai) si Albert Nielsen “Alberttt” Iskandar (Benedetta) sa retrihan.

Abante pa rin ang OT sa mid game kung saan nanaig sila sa mga team fight at nasiguro ang unang Lord ng laro. Ngunit nagsimulang gumulong ang pagbawi ng RRQ nang tunawin ni Skylar si Lio at agawin ang Enhanced Lord sa ika-14 minuto.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Dahil dito, nagkaroon ng oras si Skylar at nabigyan niya rin ang kanyang mga kakampi ng panahon para buuin ang kanilang items. Bagamat nakasentro rin sa late game ang draft ng Occupy Thrones, ‘di pa rin nila kinaya ang talas ng Karrie ng 20-year-old pro.

Sa ikatlong Lord fight, napitas ng MENA squad ang nagtangkang manglikod na si Calvin “VYN” (Kadita). Pero nagbunga ang kanyang sakripisyo dahil napilitang sumugod si Lio na pinatumba nila Skylar kaya libreng nakuha ni Alberttt ang Evolved Lord.

Binura nila Skylar at RRQ Hoshi ang OT sa kanilang Base bago tuluyang tuldukan ang come-from-behind victory matapos ang 22 minuto.

Sunod na haharapin ng RRQ Hoshi ang kinatawan ng Pilipinas na ECHO sa inaabangang sagupaan sa Day 2. Samantala, nanganganib nang malaglag ang Occupy Thrones matapos matalo rin sa RSG SG kanina.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita patungkol sa M4 at Mobile Legends: Bang Bang.