Inanunsyo na ng RRQ Hoshi ang kanilang roster para sa M4 World Championship na isasagawa sa Jakarta, Indonesia mula ika-1 hanggang ika-15 ng Enero 2023.

Talagang nakatuon ang atensyon ng RRQ Hoshi sa M4 at sa katunayan ay hindi sila sumali sa ONE Esports MPL Invitational 2022 upang makapagpahinga at makapaghanda na rin sa inaabangang torneo.

Sa isang panayam ng ONE Esports kay RRQ Hoshi CEO Andrian Pauline, na kilala rin bilang Pak AP, sinabi niya na nakaranas umano ang mga manlalaro ng burnout dahil walang humpay silang sumali sa mga kompetisyon ngayong 2022.


Ang roster ng RRQ Hoshi para sa M4 World Championship

Sa kanilang opisyal na Instagram account, ibinunyag ng RRQ noong ika-7 ng Nobyembre ang kanilang roster para sa M4. Walang pinagkaiba sa mga manlalaro pero may hindi nakasama sa kanilang coaching staff.

  • Albert Nielsen “Alberttt” Iskandar (jungler)
  • Rivaldi “R7” Fatah (EXP laner)
  • Calvin “VYN” (roamer)
  • Schevenko David “Skylar” Tendean (gold laner)
  • Deden Muhammad “Clay” Nurhasan (mid laner)
  • Muhammad “Lemon” Ikhsan (mid laner)
  • Andre Raymond “Banana” Putra (EXP laner)
  • Michael Angelo “Arcadia” Bocado (coach)
  • Adi “Acil” Asyauri (analyst)

Kapansin-pansin na wala si coach Petra “Fiel” Giovanni at tanging si Arcadia lang ang nakalagay bilang coach habang analyst naman si Acil.

Sa isang Instagram story, nilinaw ni Pak AP na hindi aalis sa koponan si Fiel. Sa halip, sinunod lamang ng RRQ Hoshi ang patakaran ng Moonton pagdating sa roster para sa M4. Idiniin niya rin na importanteng bahagi pa rin ng koponan si Fiel.

Coach Fiel at Coach Arcadia ng RRQ Hoshi
Credit: ONE Esports

Siguradong gagawin ng RRQ Hoshi ang lahat sa kanilang paghahanda para sa M4. Nais ng tinaguriang “King of kings” na maghari hindi lang sa MPL Indonesia kundi na rin sa buong mundo.

Tulad ng Todak ng Malaysia, laging kasali ang RRQ sa M series ngunit hindi pa nagkakampeon. Kaya naman gutom na gutom sina Alberttt at kanyang mga kasamahan na mangibabaw sa M4.

Para sa mga balita at guides patungkol sa MLBB, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.


Pagsasalin ito ng artikulo ni Redzi Arya Pratama ng ONE Esports Indonesia.