Isa sa mga pinakamemorableng bakbakan ang naganap sa pagitan ng RRQ Hoshi at Falcon Esports sa M4 World Championship. Kapanapanabik ang kabuuan ng serye na umabot pa ng limang laro, at patunay ang emosyonal na selebrasyon ni RRQ Clay matapos ang laban sa tensyon na kaakibat nito.

Kilala bilang tahimik at makiming player sa stage, hindi tipikal sa karakter ng esports pro ang nasaksihan ng fans matapos putulin ang mga pakpak ng mga Burmese. 

Credit: Moonton

Kaya naman ang tanong: ano ang nagtulak kay RRQ Clay para ipakita ang ganoong uri ng emosyon?


RRQ Clay inilahad ang naganap sa duelo ng RRQ Hoshi at Falcon Esports sa M4

Naghalinhinan ang RRQ Hoshi at Falcon Esports sa dikdikan sa Lower Bracket semis kung saan nakatakas ang home team sa iskor na 3-2 para putulin ang kampanya ng mga taga-Myanmar sa M4.

Malaki ang nakataya sa deciding game 5, at dito lumabas ang tatag ng Kingdom na pumihit ng magilas na laro para pataubin ang dark horse ng liga. Matapos ang serye, kapansin-pansin ang ginawang selebrasyon ni RRQ Clay kung saan humarap ang pro sa panig ng Falcon Esports at sumigaw.

Bihira itong pagkakataon kaya naman nagbunga ito ng pagtataka mula sa fans, pati na rin sa dating RRQ gold laner at former teammate ng pro na si Xinn. Sa isang livestream, hindi nagpatumpik-tumpik si Xinn na alamin mula sa midlaner ang naganap sa partikular na serye.

Pag-aamin ni RRQ Clay, sobra daw kasi ang pag-aangas ng Falcon noon.

  “Why get angry when you fight Falcon? They talk a lot. I’ve never celebrated like that, it’s just that their words have gone too far,” ani ng pro.

Matatandaan na simula pa lamang ng Group Stages ay kapansin-pansin na ang uri ng selebrasyon mula sa mga miyembro ng Falcon Esports, partikular na ng magapi nila ang paboritong Blacklist International.

Umani ito ng pagpuna ng mga miron, dahilan para maglabas ang mismong organisasyon ng pahayag sa kanilang social media platforms para magpaumanhin.

Credit: Moonton

Gayunpaman, ani ni RRQ Clay, magkakaibigan pa din daw ang turingan nila ng kapwa niya pro players mula Myanmar sa labas ng laro.

Para sa iba pang balita tungkol sa Mobile Legends, sundan lamang ang Facebook ng ONE Esports Philippines.

BASAHIN: Coach Acil, ‘di na nag-renew ng kontrata sa RRQ Hoshi