Ipinamalas ni Arthur “Tekashi” Nascimento ang kanyang talas upang pangunahan ang pagpatag ng RRQ Akira sa The Valley sa ikalawang araw ng M4 World Championship.
Pinagtataga ng Benedetta ni Tekashi sina Michael “MobaZane” Cosgun at kanyang mga kakampi para bumida sa matagumpay na debut ng pambato ng Brazil sa Group D ng pinakamalaking Mobile Legends: Bang Bang tournament.
Pinahaba rin ng back-to-back MPL BR champions ang kanilang nakakamanghang streak patungo sa 32 panalo. Huli silang natalo noon pang March 14, 2022 sa group stage ng MPL BR Season 2.
Perpektong laro ni Tekashi dinala ang RRQ Akira sa dominanteng panalo kontra The Valley
Wala pang isang minuto ang nakakalipas nang itala ni Tekashi ang first blood sa Faramis ni The Valley mid laner Jang “Hoon” Seong-hun. Mula dito ay nagtuloy-tuloy na ang kanyang pag-ariba.
Sinindihan ng 18-year-old EXP laner ang pagkalas ng RRQ Akira mula sa dikit na early game. Walang takot siyang sumusugod sa gitna ng team fights pero ‘di siya mahuli-huli ng koponan mula sa North America.
Sa huli, pumukol si Tekashi ng perpektong 7/0/9 KDA, 89% kill participation at 858 GPM sa 18-6 dominasyon ng RRQ laban sa The Valley sa loob lang ng halos 15 minuto.
Kitang-kita rin ang resulta ng maagap na preparasyon ng Brazilians sa kinahatnan ng laro. Hindi nila pinayagan ang NA reps na makakuha ng kahit isang Turtle, Lord o turret man lang.
Nangunguna sa ngayon ang RRQ Akira sa Group B habang pumapangalawa naman ang The Valley na may isang panalo at isang talo.
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita patungkol sa M4.