Ngayong nabigyan na kayo ng inisyal na ideya kung ano nga role sa Mobile Legends: Bang Bang at iba-ibang uri ng mga ito, himayin naman natin at Roam na role.
Ano ang Roam na role sa MLBB?
Ang Roam, o minsan ay Roaming, ay isa sa limang hero roles sa MLBB. Ang role na ito ay ang may pinakamababang priority sa pagkuha ng resources, gaya ng gold o experience, dahil hindi nito masyado kailangan ng maraming item o mataas na level para magampanan ang kanilang tungkulin o maging epektibo sa laro.
Mahalaga rin tandaan na hindi magkasing-kahulugan ang Roam at Tank. Ang Roam ay tumutukoy mga gawaing dapat gampanan ng isang manlalaro gamit ang isang hero, habang ang Tank naman ay tumutukoy sa uri ng hero.
Sa madaling salita, maaaring maglaro bilang Roam na role ang isang manlalaro kahit hindi Tank na hero ang kanyang gamit.
Ano ang mga dapat gawin bilang Roam?
Bumili ng Roaming Item
Ang Roaming Items ay ang espesyal na kagamitan na nakalaan para lamang sa role na ito. Nakakabit ito sa Boots at may apat na Blessing na pagpipilian dito—Dire Hit, Encourage, Conceal, at Favor.
Tandaan na hindi nagkakaroon ng gold o experience mula sa mga minions at creeps ang mga hero na bumibili ng Roaming Items. Kailangan din maka-ipon ng at least 600 gold bago ma-unlock ang napiling Blessing.
Dahil sa tungkuling din ito kaya ang mga Roam na role ang may pinakamababang priority pagdating sa resources. Gayunpaman, maaari pa rin makakuha ng gold mula sa assist o kill, pati na rin sa mababasag na turret.
Humarap sa bakbakan
Kadalasan sa gumaganap sa Roam na role ay mga Tank, ang uri ng hero na makukunat at hindi masyado madaling patayin.
Mula laning phase hanggang team fight, dapat asahan sa mga Roam na sumalo ng damage mula sa kalaban para maprotektahan ang mga kakampi. Magagawa ito sa pag-check ng bush o minsan ay manguna sa bakbakan.
Tandaan lang na bagamat tungkulin ng Roam na tumangke ng damage, mas mainam kung maiiwasan ang mamatay mula sa kamay ng kalaban. Maging maingat sa pag posisyon para hindi mapitas nang mapitas.
Magbigay ng vision para sa koponan
Isa pang tungkulin ng Roam na role sa MLBB ay ang magsilbi itong walking ward para sa koponan.
Dahil wala nang Battle Spell na nagbibigay ng vision at iilan lamang ang hero abilities na nakapagbibigay nito, mahalaga ang ano mang impormasyong makakalap tungkol sa kalaban. Gamitin ang nasabing impormasyon para makagawa ng desisyon na makatutulong sa pagkapanalo ng koponan.
Mag-setup ng kills para sa koponan
May dalawang paraan para makapag-setup ng kills bilang Roam: magsimula ng team fight o rumespunde sa kakamping sinusubukan pitasin.
Sa parehong sitwasyon, makakatulong ang Roam na makaselyo ng kill para sa koponan. Mahalagang alamin ang potensyal ng gamit mong hero para malaman kung paano mo sisimulan ang isang team fight o paano mo matutulungan ang isang kakampi.
Mag-rotate sa ibang parte ng mapa
Ayon sa pangalan, dapat din asahan sa mga maglalaro ng Roam na role ang umikot sa mapa.
Maaaring ang ibig-sabihin ng pag-ikot na ito ay ang pagdalaw sa ibang lane para makapitas ng kalaban, tumulong sa kakamping Jungler para makakuha ng buff, o mag-invade sa Jungle ng kalaban para ma-delay o maagaw ang buff ng kalabang Jungler.
Gaya ng pagharap sa bakbakan, dapat din maging maingat sa pag-rotate dahil maaari mo itong ikapahamak o ng kakampi mo. Importanteng suriin muna ang sitwasyon—alamin kung may nawawalang kalaban, kung kaya ba ng iyong kakampi kung sakaling iiwan mo ito sa lane, o kung ano-anong skills mo ang nagku-cooldown—bago mag-rotate sa ibang parte ng mapa.
Sino-sino ang mga hero na mabisang gamitin para sa Roam na role?
Bagamat hindi nakakulong sa iilang hero ang Roam bilang role, ‘di rin maipagkakaila na sadyang may mga hero na mas madaling makagagawa ng mga nabanggit na gawain kumpara sa iba. Narito ang iba:
Rafaela
Bagamat hindi kasing kunat katulad ng ibang pwedeng ipang-Roam, isa pa rin si Rafaela sa mga pinakamabisang hero para sa nasabing role.
Kaya niya kasi suportahan ang kanyang mga kakampi salamat sa Holy Healing, na naghi-heal ng buhay at bahagyang nagbibigay ng dagdag movement speed. Ang sustain na nabibigay nito sa buong koponan ay mabisa hindi lang tuwing team fight, kung hindi pati na rin sa pagkuha ng objectives.
Bukod naman sa poke damage ng Light of Retribution, maaari rin gamitin ang ability na ito para ma-check kung may kalaban sa bush nang hindi pumapasok mismo sa bush.
Chou
Isa si Chou sa mga pinakamabisang hero para sa Roam na role sa MLBB.
Wala mang heal, hindi naman matatawaran ang mobility at crowd control ng kanyang mga ability. Madali lang para sa kanya makapag-rotate sa loob ng mapa, gayundin ang makapag-invade sa Jungle ng kalaban.
Isa rin ang ultimate nitong The Way of Dragon sa mga mapagkakatiwalaang crowd control sa laro. Hindi lang kasi ito nakaka-stun, sapilitan din nitong napapabago ang posisyon ng kalaban, kaya’t mas madali mapitas kung sino man ang masisipa nito.
Mathilda
Simula noong inilabas si Mathilda, hindi na ito nawala sa mga priority pick para sa Roam na role, lalo na sa professional scene.
Kumpletos rekados kasi ang mga ability ng hero: meron itong mataas na poke damage na mabisa lalo na sa early game, mobility at shield, na magagamit hindi lang para sa sarili, kung hindi maging ang kakampi, at reliable crowd control na mataas ang range.
Lahat ng mga ito ay nakatutulong para mas madaling magampanan ang lahat ng mga nabanggit na gawain para maging epektibong Roam player.
Ngayong naipaliwanag na ang Roam na role sa MLBB, abangan pa ang mga susunod na guides tungkol sa laro sa pamamagitan ng pag-like at follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines!
BASAHIN: MLBB 101: Ano ba ang mga hero roles sa Mobile Legends?