M4 World Championship ang nagbukas esports scene ng Mobile Legends: Bang Bang. Habang ginaganap ito, pinresenta naman ng Moonton ang mga naka-antabay na turneo para sa kahabaan ng taon.
Ngayong nakoronahan na ang ECHO bilang bagong world champions, nakatakda nang magsimula ang bagong season ng kompetisyon. Narito ang roadmap ng MLBB esports ngayong 2023.
MSC at M5 hosts, ibinunyag sa roadmap ng MLBB esports ngayong 2023
Tinatantyang higit sa 170 koponan ang bibida para sa MLBB esports ngayong taon. Bukod dito, iginiit din ng Moonton na higit pa sa 1,600 matches ang magaganap sa loob ng susunod na 260 araw.
Idaraos ang mga ito sa mga sumusunod na turneo:
Mobile Legends: Bang Bang Women’s Invitational
Ang unang turneo para sa bagong yugto ng kompetisyon ay ang Mobile Legends Women’s Invitational o MWI. Base sa roadmap, nakatakdang ganapin ang MWI sa Pebrero.
Ito ang ikalawang beses na idaraos ang turneo matapos ang tagumpay nito noong 2022. Siyam na koponan mula sa anim na bansa ang bumida sa noon. Matapos tatlong araw, hinirang na kampeon ang Bigetron Era matapos walisin ang buong turneo.
Bagong MPL season mula sa 7 rehiyon
Sa kasalukuyan, ang MPL ay idinaraos sa pitong rehiyon—Pilipinas, Indonesia, Malaysia, Singapore, Cambodia, Brazil, at MENA.
Nakatakdang iraos ang season na ‘to simula Pebrero hanggang Mayo. Bukod sa kampeonato ng kani-kanilang liga, nakataya rin para sa mga koponan mula Southeast Asia ang pagkakataon na mapabilang sa Mobile Legends Southeast Asia Cup, o MSC.
Para sa mga rehiyon na walang MPL, dito idaraos ang NACT ng North America at MLBB LATAM Super League tournament para sa Latin America. Nangako rin ang Moonton na magdaos ng turneo para sa mga koponan sa Turkey.
ika-32 SEA Games sa Cambodia
Magpapatuloy ang roadmap ng MLBB esports sa Southeast Asian Games, na nakatakdang i-host sa Cambodia. Gaganapin ito simula ikalima hanggang ika-17 ng Mayo nang may magkahiwalay na kategorya para sa lalaki at babae.
Ang mga national team ng bawat koponan ang inaasahang kumatawan sa bawat bansang kalahok sa naturang patimpalak.
Mobile Legends Southeast Asia Cup 2023
Sa Cambodia rin gaganapin ang MSC 2023. Ito ang unang pagkakataon na gagawin sa bansa ang naturang turneo, matapos itong iraos sa Indonesia noong 2018, Pilipinas noong 2019, at Malaysia noong 2022.
Nakatakda itong gawin sa kalagitnaan ng Hunyo.
Snapdragon Pro Series MLBB Challenge
Ang Snapdragon Pro Series MLBB Challenge ay ang pinakabagong adisyon sa roadmap ng MLBB esports ngayong 2023. I-o-organize ito ng ESL sa Hulyo.
- ECHO nilutas ang Blacklist, kampeon ng M4 World Championship
- Dokmen ng GameLab sa kahalagahan ng community tournaments para sa amateur MLBB teams
Grand Finals ng World Cyber Games
Matapos mawala ng tatlong taon, babalik na muli ang World Cyber Games o WCG ngayong 2023. At sa kauna-unahang pagkakataon, kasama na ang MLBB sa listahan ng mga turneong ipagdiriwang sa nasabing turneo.
Kung sususuriin ang format nito, ang mga manlalarong bibida sa WCG ay daraan sa mahabang proseso ng pagpili na nagsimula pa bago matapos ang 2022. Sa ngayon, hindi pa tukoy kung pwedeng lumahok ang mga professional team.
Susunod na season ng MPL mula sa 7 rehiyon
Nakatakdang iraos ang season na ‘to ng MPL simula Agosto hanggang Oktubre. Kung tiket para sa MSC ang nakataya sa naunang season, dito, slots para makalaro sa susunod na world championship naman ang paglalaban-labanan.
ONE Esports MPL Invitational
Gaya noong mga naunang taon, i-o-organize ng ONE Esports ang MPL Invitational o MPLI. Lalahok dito ang pinakamalalakas na koponan mula sa SEA bago sumabak sa world championship.
Base sa roadmap ng MLBB esports, gaganapin ang MPLI 2023 sa Nobyembre.
M5 World Championship
Ang huli at pinakamalaking turneo sa roadmap ng MLBB esports 2023 ay ang M5 World Championship.
Bago iraos ang grand final ng M4 sa pagitan ng ECHO at Blacklist International, inanunsyo na gaganapin ang ikalimang world championship sa Pilipinas sa Disyembre.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.