Hindi na bahagi ng EVOS Legends ngayon si Gustian “REKT”. Matapos ibandera ang koponan mula Season 3 hanggang Season 9 ng MPL Indonesia, napagdesisyunan ng maalamat na manlalaro na umalis kasabay ng pagkapaso ng kanyang kontrata.

Talagang malaki ang naging impluwensiya ni REKT sa EVOS Legends. Agad na naramdaman ng koponan ang pagkawala ng kanilang matagal na captain-roamer at pumalya silang makapasok sa playoffs ng MPL ID sa unang pagkakataon.

Credit: MPL Indonesia

Ang leadership, macro strength at siyempre ang malawak na karanasan ng M1 world champion player ang mga pangunahing dahilan kaya siya nagtagal bilang kapitan ng koponan sa mga nagdaang season. Ngayong walang haligi na kasing tibay ni REKT, naging marupok ang EVOS Legends.

Maraming beses pinuna ng dating pro ang White Tigers at ibinunyag pa nga ang kanilang mga kahinaan sa isang live stream. Sa kabila nito, tinulungan niya ang koponan bago ang Week 7, isang patunay ng kanyang pagmamahal para dito.


Gaano kalaki ang potensyal na magbalik si REKT sa EVOS Legends?

REKT
Credit: MPL ID

Matapos ang pagpalyang makasampa sa MPL ID S10 playoffs at siyempre sa M4 World Championship, pinaniniwalaang sasabak ang EVOS Legends sa ibang torneo tulad ng ONE Esports MPL Invitational at Piala President Esports o President’s Cup 2022.

Si REKT mismo ay maglalaro sa President’s Cup kasama ang WORLD, ang M1 world champion team ng EVOS Legends, at kasali sila sa open qualifiers.

Sa isang live stream, tinanong ni REKT ang kanyang fans kung dapat ba siyang magbalik para tulungan sina coach Bjorn “Zeys” Ong at ang EVOS Legends na nasasadlak ngayon sa kanilang pinakamalaking krisis sa kasaysayan ng kanilang organisasyon.

“I’m confused too. I want to help Zeys but I’m also playing with WORLD. If WORLD doesn’t qualify (for the President’s Cup), do I still have to help Zeys? What do you guys think?” wika niya.

“I’m a really good friend. My competitive spirit is still very high,” dagdag pa niya. “My big name is also because of EVOS.”

Kaabang-abang kung matutuloy ba ang pagbabalik ng maalamat na kapitan ng EVOS Legends.

Para sa mga istorya patungkol sa Mobile Legends at iba pang esports titles, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.


Hango ito sa akda ni Redzi Arya Pratama ng ONE Esports Indonesia.


BASAHIN: Antimage sumabog ang emosyon nang mabigo ang EVOS Legends na makapasok sa playoffs