Hanggang ngayon ay pinag-uusapan pa rin sa Mobile Legends: Bang Bang community ang EVOS Legends. Tuloy pa rin ang kritisismo sa koponan matapos ang kanilang pagpalya na makapasok sa playoffs ng MPL Indonesia sa unang pagkakataon.
Kasi nga naman, laging nasa spotlight ang EVOS Legends sa mga nagdaang season ng MPL ID. Mula Season 1, lagi silang pasok sa playoffs at nagkampeon pa nga noong Season 4 at 7.
Sa kasamaang palad, ang desisyon nila na magbago ng roster ngayong Season 10 sa pamamagitan ng pagtanggal sa M1 world champion trio na sina Gustian “REKT”, Ihsan “Luminaire” Kusudana at Muhammad “Wannn” Ridwan kasabay sina Maxhill “Antimage” Leonardo at Joshua “LJ” Darmansyah ay tila nagkaroon ng negatibong epekto sa kanila.
Ang mga bagitong manlalaro na pinangungunahan ng mga senior na sina Rachmad “DreamS” Wahyudi at Hafizhan “Clover” Hidayatullah ay pumalyang makapagpakita ng magandang performance. Noong first half ay nangibabaw pa sila subalit pagdating ng second half ay bumulusok sila sa 7-match losing streak.
Maraming kritisismo ang dumating hindi lang mula sa mga fans kundi pati na rin mga streamer, caster at former players ng koponan, kabilang na si REKT.
Inilahad ni REKT ang player na may pinakamahusay na macro skills sa EVOS Legends
Sa kabila ng pamumuna niya, isa si REKT sa mga former players na malalim pa rin ang pagmamahal para sa EVOS ngayong season. Dumating pa nga sa punto na tinulungan niya ang koponan bago ang Week 7 upang makabangon muli, ngunit hindi ito nangyari.
Sa The Founders GPX event kung saan nagsama-sama ang M1 champion players ng EVOS na kung tawagin ay WORLD, inamin ni REKT na tinulungan niya ng maigi ang mga batang manlalaro. Ibinunyag niya rin na si midlaner Darrel “Tazz” Wijaya lang ang pawang tanging player na may utak pagdating sa macro.
“I went to the ITF to help them. I think their average players have little brain when it comes to macro skill. It’s really different,” wika ni Gustian.
“I helped a lot there. I explained several things from the roamer role and other things. The only one who understood, the brain player was just Tazz,” dagdag niya.
‘Di naman maikakaila na si Tazz ang pinaka-consistent na player at shot caller ng EVOS sa MPL ID Season 10. Pero siyempre hindi niya naman kayang buhatin ang koponan papunto sa susunod na lebel nang siya lang mag-isa.
Ang kinagandahan nito ay maaaring ligtas si Tazz sa roster ng White Tigers para sa susunod na season.
Para sa Mobile Legends news at guides, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
Ito’y pagsasalin ng akda ni Redzi Arya Pratama ng ONE Esports Indonesia.