Nakakuha ng importanteng panalo ang Rebellion Zion para sa kanilang tsansa na makapasok sa playoffs ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Indonesia Season 10 (MPL ID S10).
Sa ikalawa kasing pagkakataon, nawalis ng Rebellion Zion ang RRQ Hoshi sa regular season ng gumugulong na liga. Para sa Kings of Kings, hindi na kasing bigat ang pagkatalong ito lalo na’t naselyo na nila ang kanilang spot sa playoffs.
Mas makabuluhan ito para sa Rebellion Zion at mas delikado para sa EVOS Legends na nanganganib na ma-eliminate sa regular season. Kung hindi sila makakapagtala ng positive score mula sa tatlong natitira nilang laban, ito ang unang pagkakataon na hindi makakapasok sa playoffs ang White Tigers.
RRQ Hoshi napugak ng Rebellion Zion
Sinimulan nina Schevenko “Skylar” Tendean ang unang mapa ng serye na may bahagyang kalamangan. Kahit agad nilang nakalbo ang base ng RRQ Hoshi, nahirapan ang Rebellion Zion na tapusin ang laban sa Wanwan ng naturang gold laner.
Nang matanggap nilang hindi nila kaya makipagsabayan sa team fight, dito na sinimulan ng Benedetta ni Rendy “Dyrennn” Syahputra ang pagpugak. Hinayaan ng kanyang mga kakampi na makalipad ang Wanwan ni Skylar habang sumasalisi ito sa top lane.
Tatlong miyembro ng Rebellion ang napatumba ng RRQ Hoshi bago nila makita si Dyrennn na binabasag na ang kanilang base.
Hindi naman na kinailangan nina Bernard “Widjanarko” Widjanarko na gumamit ng kakaibang play para maselyo ang kanilang panalo sa ikalawang mapa ng serye. Limang hero lang na may AOE damage ay sapat na para malusaw ang tropa nina Rivaldi “R7” Fatah.
Isang wipe out bandang 16 minuto ng bakbakan ang naging mitsa para mawalis ng Rebellion Zion sa ikalawang pagkakataon ang RRQ Hoshi.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
Ito ay pagsasalin sa Filipino mula sa orihinal na akda na matatagpuan dito.
BASAHIN: Aminado si DeanKT na hindi deserve ng EVOS Legends na makapasok sa MPL ID S10 playoffs