Hindi maipagkakaila na ONIC Philippines ngayon ang isa sa pinakamalakas na koponan sa gumugulong na ika-10 season ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH).

Binubuo ng mga dating miyembro ng Monster Anarchy, isang amateur team, ginulat ng bagong ONIC PH ang liga matapos talunin ang pinakamalalaking pangalan gaya ng RSG Philippines, Blacklist International, at Smart Omega.

Pero bukod sa galing sa MLBB, naibahagi ng mga miyembro ng koponan na hindi lang sa loob ng Celestial Palace kayang magpakitang-gilas ng kapitan at roamer nilang si Ralph “Rapidoot” Adrales—mahusay din daw kasi ito pagdating sa kusina.

Ang mga pinakamasasarap na putahe ni Chef Rapidoot

Ang mga pinakamasasarap na putahe ni Chef Rapidoot ayon sa ONIC PH members
Credit: MPL Philippines

Noong nasa amateur scene pa lang daw ang ilan sa mga bagong miyembro ng ONIC PH, nagsisilbi raw si Rapidoot bilang ang opisyal na chef ng koponan. May kasama pa nga raw TikTok at MyDay ang mga putahe ng manlalaro bago ihain.

Galing daw ang pagkahilig ni Chef Rapidoot sa pagluluto sa isang pangarap na nais niyang maabot balang araw, ayon sa assistant coach ng koponan na si Jeffrey “Coach J” Manforte.

“Yun din sana ‘yung pangarap ni [Rapidoot] eh, makapagtayo ng sariling restaurant someday. [Hotel and Restaurant Management] graduate kasi siya.”

Bagamat hindi na kasing dalas ang pagtambay ni Chef Rapidoot sa kusina ngayon kumpara dati dahil may sarili nang cook ang ONIC PH, binabalik-balikan pa rin daw nila ang ilan sa mga pinakamasasarap na putahe nito.

Ang mga pinakamasasarap na putahe ni Chef Rapidoot ayon sa ONIC PH members
Credit: MPL Philippines

“Ang mga solid na niluluto niya ‘yung sisig, tsaka bicol express… pero lahat, lahat talaga masarap na lutuin,” sambit ni Coach J.

Bukod sa sisig, trip din daw ni Coach Mark Kevin “Bluffzy” Delos Reyes ang buffalo wings ng kanyang manlalaro. Pero tila may sarili namang opinyon si Kenneth “Nets” Barro tungkol sa sinigang ni Chef Rapidoot.

“Sinabi na ni coach yung lahat ng masarap lutuin ni Ralph eh, ito na lang ‘di masarap: sinigang. Kasi yung sinigang niya malapot. Gusto ko kasi sa sinigang yung hinihigop. Sinigang niya may gabi. Ayoko nun,” paliwanag ni Nets.

Hindi naman daw naging sagabal ang pagluluto ni Chef Rapidoot sa kanyang paglalaro noon.

Ang mga pinakamasasarap na putahe ni Chef Rapidoot ayon sa ONIC PH members
Credit: MPL Philippines

“Yung sa amateur kami, kaya ko naman i-manage, kasi ano ako nun eh, cooking tapos player ako noon. Ina-advance ko na lang magluto pag umaga,” kwento niya.

Magsisimula raw siyang gumayak bandang alas nuwebe ng umaga para magpakulo ng karne, para handa na itong pagsaluhan matapos ang isa o dalawang oras. Magpapahinga lang daw sila ng isang oras pagkakain saka sisimulan ang training.

“Time management lang,” dagdag ni Chef Rapidoot.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Matapos puruhan ang 3 PH int’l champions, ONIC PH mananatili raw na disiplinado sa S10