May bagong tropeyo na ilalagak sa galerya ng hanay ng ECHO matapos makalawit ng ECHO Proud ang tagumpay sa grand finals ng Mobile Legends: Bang Bang Developmental League Philippines Season 1 (MDL PH S1).

Ito ay pagkaraang itumba ng Purple Orcas ang matikas na GameLab, 3-1, upang hiranging unang kampeon ng developmental league.


ECHO Proud dinomina ang GameLab, kinalawit ang MDL PH S1 kampeonato

Credit: MDL PH

Hindi nagpatumpik-tumpik ang ECHO Proud sa pagbubukas ng inantabayanang serye nang pagulungin nila ang desimuladong atake sentro ang Arlott ni James “Jeymz” Gloria na pumukol ng 4/1/7 KDA para isarado ang unang mapa sa loob lamang ng halos 15-minutos.

Credit: MDL PH

Ipinagpatuloy ng Orcas ang agresyon sa game two, ngayon naman ay sa pangunguna ng beteranong roamer na si Jaypee “Jaypee” Cruz na muli’t-muling pinitas ang mga miyembro ng GameLab hawak ang kaniyang Franco.

Kumana ang M4 World Champion ng pambihirang 2/1/12 KDA para tulungan ang ECHO Proud ilista ang dominanteng 20-3 kill score at umamba papunta sa malinis na 3-0 demolisyon.

Credit: MDL PH

Sa bingit ng elimination, nakahinga ng bahagya ang GameLab salamat sa pambihirang performance ni Jermaine “Aizawa” Fernandez sa kaniyang signature Valentina.

Pinatunayan ng midlaner kung bakit siya ang hinirang na regular season MVP matapos pumako ng perpektong 6/0/14 KDA katuwang ng 90.91% Kill participation para biguin ang tangka ng ECHO Proud na maka-sweep.

Credit: MDL PH

Pagdako ng game four, inasahan na mahahawakan ng numero-unong team ng Bracket A momentum mula sa nakalipas na laro para itabla ang serye, ngunit malinaw ang tugon ni Daddy Jaypee at ng kaniyang hanay.

Isinalang ng two-time MPL PH champion ang kaniyang signature Chou para bigyang-puwang ang kaniyang cores na sina Jhonville “Outplayed” Villar (Brody) at Justine “Zaida” Palma na mapakawalan ang sandamukal nilang physical damage papunta sa tagumpay sa ika 12-minuto ng laro.

Matapos ang serye hindi itinago ni Jaypee ang galak na nararamdaman matapos ang pag-aamin niya ay mahirap na laban. “Masaya po kasi first MDL tapos kami yung unang champion.”

Hinirang na Finals MVP si Jaypee matapos ang serye.

Samantala, umaasa din ang ECHO na magagawa din ng kanilang mga pambato sa MPL PH ang tinatamasang tagumpay ng kanilang MDL team.

Sundan ang pinakahuli sa Mobile Legends pro play sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: Coach Arcadia, opisyal nang pinakawalan ng RRQ Hoshi