Malaki ang puwang na iniwan ng batikang gold laner at M3 World Championship Most Valuable Player na si Kiel “OHEB” Soriano matapos niyang magdesisyon na lumiban muna sa kampanya ng Blacklist International sa MPL Philippines Season 11.

Gayunpaman, hindi nito pinatid ang defending champions na nanatili sa top three ng rankings sa kongklusyon ng regular season, salamat sa ipinakitang gilas nina John Redick “Super Red” Bordeos at Lee “Owl” Gonzales na naghalinhinan para punan ang role ng Filipino Sniper.


Coach MTB sa ipinamalas nina Super Red at Owl para sa Blacklist sa S11

Dambuhalang pressure ang kinailangang sagupain ni Super Red bilang rookie player ng pinaka-sinusundang koponan sa MPL Philippines, ngunit mas pinabigat ito ng ekspektasyon na masusundan niya ang yapak ng pinalitan niyang star player sa roster.

Credit: Blacklist International

Binulabog man ng inconsistency sa kaniyang play, may ilang pagkakataon na naipakita ng rookie ang bangis ng kaniyang laro, sapat para matulungan ang Blacklist makuha ang desenteng 5-4 record sa unang limang linggo ng regular season.

Pagdako ng Week 6, minarapat ng defending champions na subukan ang kalibre ni Owl para painitin ang kanilang opensiba sa huling bahagi ng season. Hindi nagkamali si Coach  Aniel “Master the Basics” (MTB) Jiandani sa desisyong ito.

Credit: Blacklist International

Sa likod ng play ni Owl, nasindihan ng Blacklist ang 3-game winstreak para makaamba sa dalawang upper bracket slots papunta sa playoffs. Hindi man napagtagumpayan ng hanay ni Coach MTB ang karera hanggang dulo, mistulang natagpuan nila ang tamang timpla sa kanilang galaw.

Inilahad ni Coach MTB sa isang eksklusibong panayam kasama ang ONE Esports Philippines kung ano ang kaniyang pananaw ukol sa naging performance ng dalawa niyang gold laners ngayong season.

“Both of them have the potential to be the best,” madaling tugon ng Blacklist coach.

Credit: MPL Philippines

Dagdag niya, magkaiba nga lang daw talaga ang paraan kung paano nagsimula ng dalawa kung kaya’t magkahalo ang naging resulta para sa mga ito.

“The only difference is that Owl already has the experience since he was able to play at SEA Games, while Red just needs to show his real game on the stage,” dagdag pa niya.

Credit: Blacklist International

Hindi pa tukoy kung sino sa dalawang gold laners ang isasalang ng Blacklist sa unang round ng playoffs ngunit inaasahan na sinuman kina Super Red o Owl ay makakagalaw ng naayon sa atake ng defending champions.

Manatiling nakatutok sa pinakahuli ukol sa MPL PH. I-like at i-follow lamang ang Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: BREN KyleTzy inaming ‘kinakapos ng hinga’ kapag kaharap ang Blacklist International