Muling lalakad matatag ang Mobile Legends: Bang Bang team ng SIBOL, ang official esports team ng Pilipinas, patungong Cambodia para sa 2023 Southeast Asian Games sa pamumuno ni Francis “Coach Duckey” Glindro.
Ang team ay binubuo ng karamihan sa mga players ng Bren Esports, maliban kay Nowee “Ryota” Macasa na mula sa ONIC PH. Masusing pinili ni Duckey ang bawat miyembro ng koponan para sa iisang misyon – ang sungkitin ang ikatlong SEA Games MLBB gold medal para bansa.
Madugo ang preparasyon na pinagdaraanan ng team dahil sa kaliwa’t kanang major tournaments na halos kasabay ng SEA Games, nariyan ang MLBB Professional League (MPL) Season 11 playoffs pati na rin ang regional qualifiers ng World Esports Championship ng International Esports Federation (IESF).
Ngunit sa kabila ng sunod-sunod na laban, kumpyansa pa rin ang coach na sila ang magdidikta ng laban sa oras na makaharap nila ang mga kalaban mula sa iba’t ibang bansa.
Coach Duckey kumpyansa sa husay ng SIBOL para sa 2023 SEA Games
Sa katatapos lang na press conference ng SIBOL Mobile Legends team, inihayag ni Duckey ang kanyang tiwala sa kakayahan ng kanyang mga players, at kung bakit hindi siya kinakabahan o nakakaramdam ng pressure sa mga paparating na laban.
Nang tanungin kung nag-aalala siya dahil sa kakaibang meta na meron ang ibang bansa na kanilang makakaharap, ramdam ang kumpyansa sa sagot ng M2 World champion coach.
“I don’t think so, because we are the meta,” natatawang sinabi ni Coach Duckey.
Naniniwala si Duckey sa lakas ng Pinas pagdating larangan ng Mobile Legends, at para sa kanya, tayo ang magdidikta ng magiging takbo ng laban sa pagharap sa mga koponan ng ibang bansa
“The Philippines sets the tone of any tournament currently, so I don’t think there’s much of that pressure,” sabi ni Duckey.
Madiing nilinaw ng SIBOL coach na walang pressure para sa kanyang team sa anggulong iba ang meta sa ibang bansa kumpara dito sa atin.
“I don’t think that’s going to be a problem because if we focus on our own identity, if we focus on the gameplay that we have right now, I don’t think they will be bringing the game to us but it’s going to be the other way around. We’re going to be bringing the Philippine meta to them. It’s going to be their problem, not ours.”
Kasalukuyang nangunguna ang Pilipinas bilang tahanan ng pinakamalalakas na MLBB players sa mundo. Muli’t muli itong pinatunayan ng sunod-sunod na M-series championships, MSC championships, at SEA Games gold medals.
Ang 2023 SEA Games ay gaganapin sa Cambodia sa May 5 hanggang 17, kung saan magiging medal event ang ilang mga esports titles kabilang ang Mobile Legends: Bang Bang.
Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.