Sa bingit ng maagang elimination mula sa MPL Philippines Season 10 playoffs, pinatunayan ni Angelo “Pheww” Arcangel at ng kaniyang BREN Esports na may lunas ang lahat ng lason, kahit pa ang pinaka-makamandag.

Ito ay matapos nilang kumalawit ng tatlong sunod na laro kontra sa delikadong Smart Omega para kumpletuhin ang reverse sweep, 3-2, upang maipagpatuloy ang kanilang kampanya sa nagbabagang postseason play.

Credit: MPL Philippines

Susi sa tatlong tagumpay ng BREN Esports ang ipinamalas ng kapitan na nagpaulan gamit ang Pharsa sa game three, lumapnos gamit ang Gusion sa game four, bago tuluyang ibaon ang OMG sa limot hawak muli ang Pharsa sa decider.


Pheww bumida, BREN Esports dinispatya ang OMG sa limang laro

Unang mapa pa lamang ay pinaramdam na agad ng Smart Omega ang karga nilang hagupit, tampok ang Atlas ni Joshua “Ch4knu” Mangilog. Bugbog kay Ch4kmamba ang mga miyembro ng BREN na muli’t-muli niyang kinadena gamit ang Fatal Links para bigyang puwang ang kaniyang damage dealers para isarado ang game one sa loob lamang ng lampas 15 minuto.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Pumukol ng halos perpektong 1/1/13 KDA ang bantog na roamer papunta sa MVP gantimpala.

Samantala, isang teamfight lamang ang kinailangan ng OMG para manaig muli sa ikalawang sultada. Tinangka ng BREN na itulak ang kanilang kalamangan sa ika-13 minuto ng laro sa engkwentro sa paligid ng Lord pit kung saan maagang napitas ang Lylia ni Patrick “E2MAX” Caidic.

Sa puntong iyon ipinakita nina Duane “Kelra” Pillas (Beatrix) at Dean “Raizen” Sumagui (Paquito) ang kati ng kanilang physical damage matapos kumalawit ng magkasunod na Double at Triple Kills papunta sa wipeout. Hindi na lumingon pabalik ang Smart Omega na winakasan na ang laro sa mga sumunod na sandali. Nagtala ang dalawang core players ng Barangay malinis na 9/1/3 combined KDA.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Hindi naman pinayagan ng BREN Esports na makumpleto ng kalaban ang inasam na sweep. Pinatunayan ni Rowgien “Owgwen” Unigo ang kaniyang gilas sa Chou habang kumamada naman si Michael “KyleTzy” Sayson sa kaniyang Karina para bigyang-buhay ang Hive sa game three.

Perpektong 4/0/7 KDA ang isinalang ni KyleTzy para tulungan ang kaniyang team upang pahabain ang serye, at bagamat tahimik na 1/2/9 KDA lamang ang itinala ni Owgwen ay kritikal ang kaniyang zoning at pickoffs para malutas ang OMG sa loob ng lampas 16 minuto.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Ipinagpatuloy ng BREN ang kanilang arangkada sa game four kung saan ipinamalas ni Pheww ang bangis ng midlane Gusion. Makailang-ulit niyang nilapnos ang Lylia ni E2MAX para buksan ang laban pabor sa kanilang hanay, partikular na sa ika-13 minuto ng laro na nagpagulong ng kanilang death push.

MVP of the game ang “idol ng mga kids” na pumukol ng 5/1/3 KDA para itabla ang serye 2-2.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Sa decider, muling nagpakitang-gilas si Pheww hawak ang Pharsa na hindi nag-alinlangang magpaulan ng kaniyang Feathered Air Strike para bugawin ang umaaligid na Smart Omega members. Katuwang ang Ruby ni Owgwen, muli’t-muli nilang inangatan ang kalaban para makuha ang importanteng kills na nagbigay sa kanila ng kalamangan sa early hanggang midgame.

Hindi na lumingon pabalik ang BREN Esports na isinarado ang serye bago dumako ang 14 minute mark. Nagtala ang kapitan ng 4/2/3 KDA para makuha ang ikalawa niyang MVP of the game gantimpala.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Susunod na makakaharap ni Pheww ang paboritong Blacklist International sa ikalawang round ng playoffs. Samantala, opisyal ng matatanggal sa kumpetisyon ang Smart Omega na pipirmi sa 5th-6th place.

I-like at i-follow ang Facebook page ng ONE Esports Philippines para sa pinakahuli tungkol sa MPL PH.

BASAHIN: RSG PH winalis ang ONIC PH, aangat sa second round ng MPL PH S10 playoffs