Nag-debut na sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Malaysia Season 11 (MPL MY Season 11) si Robert “Hito” Candoy sa ilalim ng Team HAQ.

Matatandaang ang dating substitute gold laner ng Smart Omega ang isa sa mga bagong MPL Philippines players na lumipad patungo sa ibang bansa para ipagpatuloy ang kanilang karera bilang professional players.

Sa naturang rehiyon, kasama ni Hito ang dating BREN Esports player na si Jomari “Jowm” Pingol, na naglalaro sa Team Lunatix, at dating TNC Pro Team midlaner na si Salman “KingSalman” Macarambon na bumibida naman sa Team Secret.

Ang payo nina Coach Pakbet at Kelra kay Hito matapos ang debut nito sa Team HAQ
Credit: Team HAQ

Kaabang-abang ang unang salang ni Hito kasama ang defending champions na Team HAQ, dahil katapat nila ang koponang ginagabayan naman ng Filipino coach na si Steve “Dale” Vitug. Gumamit ng Melissa at Harith ang tinaguriang Chief Entertainment Officer, pero bigo silang mapuntusan ang Homebois.

Bagamat ‘di maiwasang matawa habang inaalala, ibinahagi naman nina Smart Omega coach Jomie “Pakbet” Abalos at gold laner na si Duane “Kelra” Pillas ang mga payong ibinibigay nila sa dating kakampi.



Coach Pakbet at Kelra sa debut ni Hito bilang gold laner ng Team HAQ sa MPL MY Season 11

Ang payo nina Coach Pakbet at Kelra kay Hito matapos ang debut nito sa Team HAQ
Credit: Smart Omega

Bago ang kanyang payo kay Hito, ibinahagi muna ni Coach Pakbet ang kanyang palagay sa Team HAQ.

“Feeling ko adjusting pa ‘yung Team HAQ ngayon, kasi nakita ko rin wala ‘yung dalawa nilang kambal, ‘di sila naglaro noong unang match nila against Homebois… Tapos, sabi naman namin kay Hito, okay lang ‘yan kasi first time niyang maglaro nang wala ‘yung parang leader nila sa game,” aniya.

Ang kambal na pinapatungkulan ni Coach Pakbet ay sina Aimin “Minn” Anuar at Aiman “Mann” Anuar. Ipinakilala bilang analyst si Mann sa serye kontra Homebois, pero walang naunang ulat patungkol sa kung bakit hindi pinaglaro si Minn.

Pinayuhan din ng bantog na coach si Hito sa kung anong dapat niyang gawin para mapabuti pa ang kanyang performance.

Ang payo nina Coach Pakbet at Kelra kay Hito matapos ang debut nito sa Team HAQ
Credit: ONE Esports

“Sabi ko rin sa kanya na galingan niya pa tapos manood lang siya ng mga replay, kasi ano eh… may mga times na ano talaga eh… pumipitik din talaga eh… namamatay siya bigla eh! Sinabi naman namin sa kanya yun, wala naman siyang reply—tawa lang,” kwento ni Coach Pakbet.

Bilang kapwa gold laner, ibinahagi rin ni Kelra na parati niyang pinapaalalahanan si Hito ukol sa mga kung anong dapat at hindi dapat gawin ng kanilang role. ‘Di raw kasi madalas tumingin sa mapa ang dati niyang kakampi, kaya’t ito ang kanyang ipinapayo.

“Lagi kong pinapaala sa kanya na ‘pag [gold lane] ka, kailangan lagi kang aware sa nangyayari. Dapat lagi mo isipin kung saan ka pepwesto, ano ‘yung pinaka-best na pwede mong pwestuhan… may skill naman siya kaso pasulpot-sulpot lang,” aniya.

Ang payo nina Coach Pakbet at Kelra kay Hito matapos ang debut nito sa Team HAQ
Credit: TNC Pro Team

Nilinaw din ni Kelra ang naunang pahayag ni Hito ukol sa kanyang reaksyon nang malamang lilipad na nga siya papunta sa Malaysia.

“‘Di ako umiyak doon! Siya ‘yung umiyak sakin noong umalis ako sa Work… sumali ako sa [Execration]. Siya ‘yung umiyak—iyak siya nang iyak noon, sabi niya, ‘wala nang magbubuhat sa amin,'” kwento niya.

Matapos magbirong “tears of joy” ang kanyang naramdaman, sa huli ay inamin din ng tinaguriang The Gold Standard na nami-miss na rin niya ang dating kakampi.

“Good luck sa kanya! Balik ka na dito after three months,” ani Kelra, sabay tawa.


Para sa karagdagang esports balita, guides, at highlights, i-follow lang ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Ito ang dahilan ni Zeys bakit mula sa iba’t-ibang koponan ang players ng Indonesian MLBB National Team