Niyanig ng Alter Ego ang Mobile Legends eksena sa Indonesia matapos kumpletuhin ang upset kontra sa bigating RRQ Hoshi, 3-1, upang ipagpatuloy ang kanilang kampanya sa upper bracket finals ng MPL Indonesia Season 11.

Walang nag-akala na magagawa ng sixth seeded team na maitumba ang Kings of Kings sa semifinals bakbakan, ngunit sinigurado ni Syauki “Nino” Sumarno na tuloy ang kanilang biyahe papunta sa itaas matapos pumihit ng pambihirang performance sa game four.

Credit: ONE Esports

Mas lalong naaliw ang fans sa ginawa ng Alter Ego matapos ilabas ang kanilang mic check. Kapansin-pansin ang shotcall ni Nino sa mga huling sandali ng game four kung saan ipaalala niya sa kaniyang hanay ang payo ng Blacklist International jungler na si Danerie “Wise” Del Rosario mula sa kanilang laban sa Bigetron Alpha.


Alter Ego Nino inulit ang payo ni Wise sa teammates sa krusyal na game kontra RRQ

Unang nakapansin sa interaksyon ang YouTube user na si JavierML na ipinagdikit ang live video ni Wise at ang mic check ng Alter Ego members sa laban kontra RRQ Hoshi.

Credit: ONE Esports

Mapapanood sa inilabas na bidyo ang ipinayo ng Blacklist pro sa Indonesian team nang kalabanin nila ang Bigetron sa unang araw ng playoffs kung saan napurnada ang balak na base push ng AE sa ika-11 minuto ng game two.

Sabi ni Wise sa video, “Go back! Go back! Go back! You already used your Dragon [Black Dragon Form ni Yu Zhong hawak ni AE Pai]” bago ang engkwentro sa midlane.

“I told you to go back bang! You have no dragon! No dragon, no push! Oh my God!” huling puna ng M-World Champion.

Credit: ONE Esports

Sinigurado naman ni Nino na hindi na mauulit ang pagkakamali ng Alter Ego sa dikdikan kontra RRQ. Sa inilabas na mic check, inulit ng gold laner sa kaniyang hanay ang puna ni Wise pagkaraan nilang magtagumpay sa three for none sa bottom lane sa 9:31 game time sa game four.

“Enough already. Enough. Just take the lord. That’s enough. Remember Wise’s words guys. No dragon, go back! Go back!”

Susi ang disiplinang ito para mapagulong ng Alter Ego ang panalo sa ika-23 minuto para matuluyan ang mga pambato ng Kingdom at maitulak sila sa mapanganib na lower bracket.

Sa proseso, maipagpapatuloy ng koponan ang kanilang Cinderella run sa upper bracket kung saan kakaharapin nila ang numero-unong ONIC Esports ni Kairi “Kairi” Rayosdelsol.

Makibalita sa mga kaganapan sa MLBB pro play sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: Geek Slate ni-reverse sweep ng EVOS Legends sa MPL ID S11 playoffs