Hindi na bago ang pagpili ng Hilda bilang roamer sa Mobile Legends: Bang Bang, ngunit ngayong M4 World Championship, ipinakita ng ilang koponan kung ano ang kayang gawin ng fighter/tank sa loob ng Land of Dawn.
Sa mga gumulong na bakbakan sa world stage, partikular na ang mga kinalahukan ng Malaysian teams na nagpauso ng pick, nasaksihan ng mga miron kung gaano kalaking pressure ang kayang idiin ng hero.
Vision at map control kasi ang primerang ambag ng Hilda para sa isang komposisyon, at kapakipakinabang ang dala nitong movement speed, sustain at early game damage upang mapurnada ang rotation ng kalabang team. Kaya naman, hindi imposible na makita muli ang pesteng hero sa mga susunod pang bakbakan sa M4.
Pambihira man ang kayang gawin ng Hilda sa laro, mistulang nahanap na ng ECHO ang sagot para kontrahin ang umuusong roamer. Ito ang ipinakita nila sa bakbakan nila kontra sa matikas na Team HAQ sa unang araw ng Knockout Stage.
Ano nga bang ginawa ng Purple Orcas para makitil ang pamemeste ng roamer?
3 paraan nakontra ng ECHO ang Hilda ng Team HAQ
Tank junglers sagot sa early game pressure ng Hilda
Binunot ng ECHO ang oldest play in the book para sagutin ang Hilda roam picks ng Team HAQ sa ikalawang laban sa Upper Bracket. Ito ang pagpili ng tank/utility junglers.
Dahil may kargang early game damage ang roam pick ni Aimin Zairie “Minn” Bin Anuar, batid ng Pinoy team na susubukan nitong apakan agad ang pedal sa jungle ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno sa early buff takes. Swabe ang tugon ng Purple Orcas na pinili ang cheese pick jungler Grock sa game 1 at solidong Fredrinn sa deciding Game 5.
Ang pagkakataon lamang na natalo ang ECHO sa paboritong pick ng Team HAQ ay sa Game 3 kung saan kumiling ang mga Pinoy sa jungler Valentina.
Early game punish ang sinalubong ng ECHO
Sa pagkakataong Hilda ang isinalang na roamer ng THQ, sigurado ang ECHO na susubukan nitong diinan agad ang pressure sa buff takes ni KarlTzy kung kaya’t ang call ng MPL PH runner ups ay maagang bigyan ang hero ni Minn.
Mapapanood sa nasabing serye ang muli’t-muling pagtatangka ng roam hero ng THQ na pabagalin ang neutral objective takes ng Pinoy team ngunit agad siyang sinasalubong ng dalawa o tatlong miyembro para malatayan ng early game punish.
Sa game 1 ng serye, tatlong beses agad nakitil si Minn sa Hilda bago pa man dumako ang ika-limang minuto, kaparis ng naganap sa game 3 kung saan 0/2/0 naman ang KDA ng THQ roamer. Mistulang naging maligamgam ang agresyon ng roamer sa game 5, at ito ang isa sa mga naging rason kung bakit maagang napuksa ang THQ dito.
Kapag kasi hindi nagawa ng fighter/tank ang trabaho nitong mapabagal ang kalabang team ay wala na ito masyadong magiging ambag sa mid game hanggang late game dahil wala itong kargang setup ability o sustain katulad ng karaniwang kapabilidad ng ibang heroes sa posisyon.
Bush check para matunton, Ulti papunta sa pick off
Malaki ang potensyal ng Hilda sa roam dahil sa passsive nitong Blessing of Wilderness. Bukod sa 2% HP regen, may shield na katumbas ng 15% ng Max HP ang mayroon ang hero kapag nasa loob siya ng bush. Isa ito sa sinasamantala ng THQ kung kaya’t epektibo ang kanilang pagsasalang sa karakter.
Batid din ng ECHO na kritikal ang kanilang bush-checking para matunton ang lokasyon ng kalabang roamer, at mapagtulungan itong makitil para matanggal ang control at vision ng Team HAQ. At hindi nagtipid ang Purple Orcas sa mga pagkakataong nahahanap nila ang pesteng hero.
Sa game 1, hindi nag-alinlangan si Tristan “Yawi” Cabrera na gamitin ang Way of the Dragon ng kaniyang Chou para isubo sa kaniyang damage dealers. Gayundin ang naganap sa game 5 kung saan bawat pagkakataong nakikita niya ang hero ay ginagamitan niya ito agad ng Divine Justice ng kaniyang Kaja.
Bagamat malaking resources ang ginagamit ng mga Orca para makuha ang hero ay hindi nila ito iniinda sapagkat lugi na sa bilang ang THQ kaya naman na-coconvert nila ito sa mahahalagang objectives.
Siguradong sa mga susunod na laban ng Pinoy top team, magdadalawang-isip na ang sinumang team na isalang Hilda kontra sa kanila.
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook!
BASAHIN: Heto ang paliwanag ni ECHO Coach Tictac sa mid Akai at jungle Valentina picks vs HAQ sa M4 playoffs