Muling nabulabog ang Mobile Legends eksena sa Pilipinas matapos palamigin ng RSG Slate PH ang ECHO, 2-0, upang maging unang koponan na makapapatid sa world champions sa MPL Philippines Season 11.

Susi ang plays ng Lolita ng Season 9 MVP na si Dylan “Light” Catipon para nakawin ang momentum sa panig ng Raiders sa game one, bago tuluyang ituklop ng Tank Lancelot ni John “H2wo” Salonga ang Purple Orcas sa ikalawang mapa.

Credit: MPL Philippines

Sa proseso, nagawang solido ng RSG Slate PH ang kanilang puwesto sa third place matapos ang Week 4, at ang momentum papunta sa huling bahagi ng regular season.

Sa post-match interview, hindi itinago ni Brian “Coach Panda” Lim na puspusang naghanda ang kaniyang koponan para sa sabayan kasama ang M4 champs.


Coach Panda nangaral bago harapin ng RSG Slate PH ang ECHO

Ani ni Coach Panda, talaga daw inantabayanan nila ang magiging dikdikan kontra sa ECHO.

Credit: MPL Philippines

“Actually I was very nervous fighting against the world champion ECHO because I have a very big respect to that team. I keep telling my team that ECHO is the team that we want to meet para we can also get into championship caliber before the playoffs,” kuwento ng beterano.

Matapos amining dismayado sa performance ng RSG Slate PH kontra Nexplay EVOS, hindi rin itinago ng MPL PH Press Corps Coach of the Year na kabaligtaran naman ang naramdaman niya sa ipinamalas ng kaniyang koponan sa harap ng bigating kalaban.

Kuwento niya, “For preparations siguro, maraming scolding talaga kagabe. Mga 3 hours tapos review review review. Tapos before we started today, paulit-ulit yung sinabe ko yung mga keypoints ng ECHO.”

“And then they [RSG Slate PH] really played with discipline, good communication tapos tiwala. So good job boys ah,” pagtutuloy ni Coach Panda.

Credit: MPL Philippines

Tinapos ng Raiders ang Week 4 ng may 4-1 game win-loss record at 2 series wins para tulungang iangat ang kanilang tala sa 14 points, kasunod lamang ng nagbabagang Bren Esports (18 points) at ang nakatunggaling ECHO (16 points).

Susubukang ipagpatuloy ng RSG Slate PH ang kanilang arangkada kontra ONIC Philippines sa March 19.

Para sa iba pang balita tungkol sa MPL PH, sundan lamang ang Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: H2wo nagbigay ng opinyon tungkol sa Tank-celot