Maraming fans ang nalungkot nang makita nilang hindi kasama si Joshua “Ch4knu” Mangilog sa opisyal na lineup ng Smart Omega para sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 11.
Maging sa MDL Philippines Season 1 squad nila na Smart Omega Neos ay wala rin ang dekoradong roamer/tank. Naging usap-usapan pa na lilipat siya sa ibang koponan o ibang MPL region.
Sa isang vlog ni Billy “Z4pnu” Alfonso, inilahad niya na napagdesisyunan ni Ch4knu na magpahinga muna ngayong season. Pareho ang ibinihagi ni head coach Jomie “Pakbet” Abalos sa eksklusibong panayam ng ONE Esports matapos nilang sungkitin ang kanilang unang panalo sa MPL PH S11 nang walisin nila ang RSG Slate PH, 2-0, sa unang serye ng ikalawang linggo.
Ikinuwento rin ni Coach Pakbet kung bakit naging ganito ang pasya ng tinaguriang “Ch4kmamba”.
Coach Pakbet sa pagkawala ni Ch4knu ngayong MPL PH Season 11: ‘Parang may missing piece talaga‘
Ayon kay Coach Pakbet, naging factor sa desisyon ni Ch4knu ang pagkwala ni Patrick “E2MAX” Caidic bilang manlalaro. Sa ngayon kasi, nagsisilbing technical coach si E2MAX ng Smart Omega.
“Kasi ngayon wala si E2MAX sa team, ‘yun kasi ang parang combo nilang dalawa. Pero sa tingin ko ayun talaga ‘yung real reason niya na gusto niya talaga magpahinga dun sa mga laro. Ngayon kasi di ko alam kung ano na mga ginagawa niya pero nagcha-chat naman siya sa’min kung gusto niya manood ng game. Pero ngayon pahinga talaga siya.”
Inilahad naman ng respetadong coach na posibleng nakaapekto rin ang pagkatalo nila sa SIBOL MLBB Southeast Asian Game 2023 qualifiers kung saan winalis sila ng AP Esports sa iskor na 2-0 sa Phase 1.
“Nung natalo kami noong SIBOL qualifiers, kinabukasan nag-usap-usap (at sinabi niya) na gusto niya munang magpahinga, mag-take a break. Sobrang dami na ring pumapasok sa kanya nung mga panahon na ‘yun kasi nga natalo kami, 0-2 kami, amateur team pa ‘yung nakatalo sa’min tapos sobrang bugbog namin kaya siguro ayun ‘yung nagpa-ano sa kanya na mag-take a break muna talaga sa esports. Nirespeto rin naman namin ‘yung desisyon niya.”
Dahil wala si Ch4knu maging si E2MAX sa roster, aminado si Coach Pakbet na tila may “missing piece” sa koponan at damang-dama nila ito noong Week 1 kung saan ‘di sila nanalo sa kanilang dalawang serye.
“Sobrang hirap nung adjustment namin kasi si Ch4knu nga ‘yung nawala tas si E2MAX nawala rin sa team. ‘Di kami nananalo sa mga scrims namin eh. Parang may missing piece talaga. ‘Yun nga nakita sa laro namin nung Week 1 na walang parang team leader ‘tska kulang ng hard call, ‘yung mga play na mabilisan.”
“Ayun ‘yung pinakakulang siguro ng team. Kaya nung mga nakaraang week, sobrang pinush namin sila na gumawa nang gumawa ng plays, na ganito ‘yung mga gagawin nila ‘pag ganitong scenario. Binigyan namin sila ng mga assignment nila para ma-improve pa nila lalo.”
Naniniwala naman si Coach Pakbet na hindi pa lumalabas ang buong potensyal ng revamped roster. Kaya ‘di siya nagsasawa na gabayan sila kasama si E2MAX.
“Ngayong week ‘di pa ‘yun ang nakikita kong full potential ng team kasi ang dami pa nilang mali. Sinasabi ko naman sa kanila ‘yun pagkatapos ng game. Tapos sabi namin kailangan araw-araw tayo nag-i-improve, kailangan sa kanila mismo manggaling na, ‘Ito ‘yung mga mali ko, ito ‘yung mga gusto kong i-improve next week, ito na ‘yung mga babawasan na bad habits.’
Sasabak muli ang Smart Omega bukas kontra naman sa defending MPL champion na Blacklist International sa huling serye ng araw, ganap na 6:30 ng gabi.
Para sa karagdagang esports balita, guides, at highlights, i-follow lang ang ONE Esports Philippines sa Facebook.