Hindi bigo ang mga miron na tumutok sa dikdikan ng magkaribal na Blacklist International at Smart Omega sa Week 5 Day 2 ng MPL Philippines Season 10 regular season. Epiko ang tatlong larong kinatampukan ng dalawang bigating teams kung saan kalaunan ay nakalawit ng Omega ang inasam na paghihiganti mula sa Week 1 pagkagapi.
Pagkaraan ng serye, hinarap ni Coach Jaime “Pakba1ts” Abalos ang media kung saan idinetalye niya ang karanasan at kinailangang preparasyon ng OMG para makuha ang tagumpay sa madikit na serye. Kasama sa napasadahan ng beteranong coach ang nangyareng draft kaharap ang mahigpit na katunggali.
Coach Pakba1ts nagkomento tungkol sa drafting battle kontra BLCK
“Ever since pumasok sila, hindi talaga sila nagbabago ng phase ng draft,” banggit ni Pakba1ts sa post-game press conference. Malaking bagay daw na makailang-ulit na niyang nakaharap ang dekoradong team kung kaya’t pamilyar na siya sa pagpapatakbo ng pick at bans ng mga ito.
Pag-amin pa ng player-turned-coach, “Kabisado ko na kung saan sila malakas tiyaka kung ano talaga yung kukunin nilang hero. Predicted talaga namin ‘yun.”
Hindi naman makwekwestiyon ang pahayag na ito ng utak ng OMG dahil bukod sa tagumpay na nakamit ng kaniyang koponan sa serye ay masusuri din sa drafting phase kung paano niya paulit-ulit na na-korner ang Blacklist.
Paano nasagot ni Pakba1ts ang draft ng Blacklist
Sa tatlong larong kinabidahan ng magkaribal na teams, tatlong ulit ding isinalang ng Blacklist ang first phase bans sa Fanny at Masha. Basado ito ni Pakba1ts na pinuntirya naman ang Diggie at Valentina para bawasan ang hero pool ng support duo ng BLCK.
Sa pag-ban din ng dalawang hero na ito, binigyan ng Smart Omega ng pagkakataon ang Blacklist na buksan ang kanilang draft sa kanilang comfort picks. Sa game one, pinili ng M3 World Champions ang Faramis na kaagad sinagot ng OMG ng Lolita at Claude picks.
Maaalalang popular na pangontra na ng teams sa MPL PH ang Claude sa lineup na nakasandal sa area-of-effect abilities ng metapick na mage. Samantala, Lolita naman ang ipinangbangga ng koponan sa Beatrix pick na mistulang inasahan na ng OMG.
Kahit pa nakuha ng BLCK ang Esmeralda at kalaunan ay Baxia, nasagot din ito sa pamamagitan ng Dyroth pick ni Pakba1ts. At bagamat nagapi sa opener, kapansin-pansin ang dominanteng draft ng Barangay na makailang-ulit na kinalampag ang BLCK bago mapatid sa comeback sa ika-22 minute.
Hindi nagimbal si Pakba1ts na ipinamalas muli ang kanyang henyong drafting sa game two, sa pagkakataon namang ito ay blue side. Nagawan ng paraan ng head coach na buksan ang high-priority hero na Wanwan na ipinaris niya sa Selena at Grock na comfort picks ng kaniyang support duo.
Sa kamay ni Duane “Kelra” Pillas, kinalkal ng Wanwan ang mga miyembro ng BLCK papunta sa malinis na 5/0/3 KDA at MVP of the Game gantimpala para itabla ang serye.
Bumangko ang OMG sa momentum mula sa equalizer para sa decider kung saan isinalang ni Coach Pakba1ts ang draft na kawangis ng sa game one. Matapos i-ban ang Wanwan, sinagot niya muli ang Faramis opener ng kalabang team gamit ang Claude at Lolita picks.
May kaunting adjustment ang koponan ng Tier One na isinelyo agad ang Balmond (pi-nick ng OMG sa game one) katuwang ng comfort pick na Beatrix. Bilang sagot, kinuha ng Barangay ang Esmeralda at nag-ban ng Dyroth na direktang counter ng mage sa EXP. Ipinagpatuloy ni Coach Pakba1ts ang pag-target sa EXP heroes ng i-ban niya ang Uranus sa second phase para bawasan ang opsyon ang katunggali.
Kalaunan, muling ipinamalas ni Kelra kung bakit delikado ang kaniyang Claude matapos pumukol ng perpektong 3/0/9 KDA katuwang ng highlight play sa ika-17 minute kung saan pinakain niya ang BLCK ng isang pamatay na BMI plus Blazing Duet combo na epektibong tumapos ng laro.
Sa panalo, makukuha ni Pakba1ts at ng kaniyang koponan ang revenge win at importanteng panalo para manatiling nakabuntot sa Blacklist sa regular season standings.
I-check out ang Facebook page ng ONE Esports Philippines para sa pinakahuli sa MPL PH.
BASAHIN: Pamatay ang 3 hero picks na ito sa unang bahagi ng MPL PH Season 10