Nayanig ang Mobile Legends eksena sa Pilipinas ng pumutok ang balitang sasanib sa hanay ng Blacklist International ang superstar jungler na si Salic “Hadji” Imam sa pagbubukas ng MPL Philippines Season 8.
Bagamat humampas ang mga alon ng haka-haka ukol sa kaniyang fit at role na gagampanan para sa team, pinatunayan ng MLBB superstar kung bakit akma ang paghahambing ni Coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza sa kaniyang paglipat sa ginawa ng National Basketball Association (NBA) superstar na si Kevin Durant na dumako sa Golden State Warriors noong 2016.
Matapos ang isang M World Series title, dalawang MPL PH trophies kasama pa ng isang Season MVP gantimpala, ligtas sabihin na tama ang naging career move ni Hadji.
At sa parehong bigkas, henyo ang ginawang hakbang ng Blacklist management para maisakatuparan ito.
Sa isang panayam kasama ang ONE Esports Philippines, binalikan ng General Manager ng team na si Elrasec “Boss Rada” Ocampo ang mga kaganapan bago maging pinal ang pambihirang player acquisition.
Boss Rada ikinuwento ang mga hakbang para mapunta sa Blacklist si Hadji
Sa nasabing panayam, inamin ni Boss Rada na “napaka-impromtu” ng mungkahi sa kaniya na subukang kuhanin ang serbisyo ng batang superstar. Ito ay dahil pagkaraang manalo ng Blacklist ng una nilang tropeyo noong MPL PH Season 7, nais daw nilang panatilihin ang “exclusivity” ng kanilang ginagawa sa loob ng koponan.
Pangamba daw kasi ng GM, “Kasi hindi pa naman kami- ‘di namin alam, baka mamaya fluke lang [championship nila sa S7] yan diba?”
Gayunpaman, hindi raw niya naitanggi ang kalibreng kayang idagdag ni Hadji para sa lineup, lalo pa’t ang rekomendasyon na kuhanin siya ay galing mismo kina Kristoffer “Coach BON CHAN” Ricaplaza at Dexter “Dex Star” Alaba.
Sa puntong iyon sumabak sa karera ang Blacklist kontra sa tatlo pang organisasyon na nagtatangkang makalawit ang batikang pro player. Ngunit si Boss Rada, simple ang alas para maakit papunta ng team ang kalaunan ay magiging midlaner ng grupo.
“Ang sabi ko na lang “Hadji, kung… sa amin ka, bibigyan ka [namin] ng championship.” Dun na yun, dere-derecho na yun.”
Boss Rada sa transisyon ni Hadji papunta sa Midlane role
Bilang isa sa mga pinaka-tinitingalang jungler sa Pilipinas, naging palaisipan para sa marami kung ano ang role na gagampanan niya sa team lalo pa’t isa na sa mga haligi ng Blacklist ang core player nilang si Danerie “Wise” Del Rosario.
Inamin ni Boss Rada na malaking hamon ito para sa kaniya noong una. “I believe very vocal si Wise dito, nagkaroon ng threat- feelings sa part niya na parang “Uy, ano yun, jungle role yun ah. Baka mamaya palitan ako.” Parang ganun.”
Kaya naman sentro daw ito ng kaniyang trabaho bago dumako sa kanilang depensa sa Season 8. “And that’s a directive from Tryke na “Uy, i-mindset mo properly sila to make sure na mag work.”
Dagdag pa niya, “And siyempre, again, we’re doing something very BPO like duon sa sistema na ginagawa namin from season 7 and season 8, and nakita mo naman gaano ka-effective yung season 8, they are really dominating.”
Malaki rin daw ang dulot ng pagbibigay nila ng kalayaan sa kanilang coaching staff para ayusin ang porma ng team. “Kilala na niya kasi si Dex tsaka si Bon. So in terms of in-game, sila sila yung nag-usap dun. And that’s what Blacklist is all about din, na para when it comes to their passion, their craft, hands down kami. Kung talagang- kayo yan. Di namin kayo papakailaman.”
“Kumbaga, mechnically, respected namin kayo diyan. So it’s a decision for them to make na si Hadji lumipat sa amin knowing na pos4 na siya,” pagtutuloy ng general manager.
Pagkatapos ang player acquisition kay Hadji, hindi na lumingon pabalik ang team. Liban sa tropeyo sa MPL PH Season 7 at 8, sinemento ng team ang kanilang pangalan bilang pinakamalakas na team sa mundo matapos dominahin ang M3 World Championship.
Muling nagpasiklab ang Blacklist sa Season 10 ng gapiin nila ang ECHO para sa ikatlo nilang titulo, at ngayon, naghahanda ang team para madepensahan ang kanilang world title sa pagbubukas ng M4 sa darating na Enero.
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mas marami pang MLBB content.