Malimit lumulutang ang pangalan ng koponang Dream High Gaming kapag nagtatagpo ang ilan sa pinakamalalaking pangalan ngayon sa Mobile Legends sa Pilipinas.

Partikular na bukambibig ito ng MPL PH casters sa mga pagkakataong nagkrukrus ang landas ng sinuman kina Johnmar “OhMyV33NUS” Villaluna, Danerie “Wise” Del Rosario, John “Zico” Dizon, John “H2wo” Salonga, Gerald “Dlar” Trinchera, Allen “Baloyskie” Baloy, at Joshwell “Iy4knu” Manaog na ilan sa mga bantog na ex-members ng team.

Credit: ONE Esports

Hindi kasi maitatanggi ang nabuo nilang kemistri sa maikling sandali na inilagi nila sa amateur team. Ebidensiya ang tagumpay na nakamit nila sa mga liga katulad ng Juicy Legends Season 1 Amateur Division at Momentum eSports TV Battle League Season 1.

At pagkaraang kuhanin ang roster ng ONIC Philippines para isalang sa MPL PH Season 4, parehong tikas ang ipinamalas ng mga dating bumandera para sa Dream High Gaming. First runner up ang roster sa pinakamalaking Mobile Legends liga sa Pilipinas, katuwang pa ng karangalan na ipaglaban ang bansa sa gumulong na M1 World Championship noon.

Credit: OhMyV33NUS

Kaya naman puno ng galak ang mga dating miyembro katulad ni Zico kapag binabalikan ang nakahahabag nilang pagsisimula sa esports.


Coach Zico inilahad kung paano nabuo ang Dream High Gaming roster

Sa pinakahuling episode ng ONE v ONE with the Great ONE, nagbalik-tanaw si Coach Zico sa mga sandali niya kasama ang teammates sa Dream High Gaming, kung saan inilahad din niya ang proseso kung paano nabuo ang pambihirang lineup.

Credit: Dream High Gaming

Kuwento ng BURN x FLASH coach, nagsimula daw ang lahat ng magtagpo sila ni Dlar sa isang intercollege tournament sa Foundation Week ng kanilang kolehiyo. “Gumawa ako [ng] team, kakampi ko yung mga classmates ko lang, mga blockmates ko. Tapos ang nakalaban namin sa, kase ang role pa ‘non dati Mid Lane eh, tapos nakalaban namin sila Dlar sa Finals.”

Pagkaraan daw ng sagupaan sa grand finals ay agad daw siyang nilapitan ng kapwa taga-Malabon para kuhaning sixth man sa team nito. “May kampi pa sila sa labas eh. So di ako pwede pumasok so [pero] pumayag naman ako.”

Credit: Dream High Gaming

Ito rin daw ang mga pagkakataong nanghihiram pa lamang daw ng cellphone para makalaro ang ngayon ay isa na sa tinitingalang EXP laners sa mundo. “Malakas na talaga si Rald [Dlar] dati pa. Tapos ayun na nga nabuo kami, dayo-dayo kame pero hindi pa kami ‘non masyadong ano eh, solid. Kase halos lahat bago palang sa ML.”

Hindi daw narating ni Coach Zico ang inaasahan sa team na iyon na dahilan para lumisan siya at pumunta sa hanay ng Dream High. Mabunga agad ang naging simula ng pro sa ilalim ng bandera ng amateur team dahil nakalawit nila ang grand prize ng GameCon event noon sa SMX Mall of Asia.

Credit: Dream High Gaming

“Kasama ko sila Iy4knu at Ryota. ‘Tas ‘yon first time namin magkita-kita talaga kase hindi naman kami magkakakilala. Nabuo lang talaga biglaan tapos ‘yon first time namin tas nagchampion din agad kami.”

Ito raw din ang nag-udyok para sa dati nilang manager na ipasok ang team sa isang bootcamp. Iyon nga lang, dahil mga bata pa noon sina iy4knu at Ryota ay hindi pa umubra ang ideya para sa kanilang mga magulang. Nag-iwan ito ng bukas na slots sa roster, at alam agad ni Coach Zico kung sino ang dapat niyang tunguhin para punan ito.


Dream High Gaming bumuo ng team 1 at 2

“Pinagbootcamp kami dun sa malapit kina Dlar din. And then, parang napag-usapan namin kase nakakalaro nila Dlar sina V33nus non eh, so pagkuha ko sa kanila tapos edi goods na rin kami parang nag-usap kami na bumuo ng isa pang team,” banggit ng dating NXPE coach.

Credit: Dream High Gaming

Sa parehong punto niya raw niya naisipan na kuhanin ang serbisyo ng bantog na jungler na si H2wo. “Sabi ko chinat ko si H2 non sa facebook kung G ba siya kase kulang pa kame nagbubuo ng 2nd team nun kase 2nd team ako eh. Tapos yon si H2 nag-G naman pumunta siya agad ‘non kase taga Mandaluyong pa naman non tapos ang next na narecruit namen non si V33Wise na.”

Sa proseso ng pagkuha kina OhMyV33NUS at Wise, inalahad ni Zico na talagang 2-in-1 package na ang dalawa.

“Dati palang ang lakas na talaga nilang Duo. Kahit sa RG. Yun nga, ayaw nila pumayag na isa lang so kulang din sila. Tapos yun ano nagtry RG RG tapos naging goods sila. Tas yun nabuo yung Team 1.”

Team 1 ng Dream High Gaming

Credit: Dream High Gaming
  • Dlar
  • OhMyV33NUS
  • Wise
  • Toyo
  • Lift

Habang sinubukan ng 22-anyos noon na punan pa ang natitirang slot sa kanilang team 2 roster, sakto raw na naghahanap ng team ang ngayon ay Geek Fam ID captain na si Baloyskie. Kuwento ni Zico, “Diba may iyakan center ng ML tas nakita ko don nagpost si Baloy na looking for team nga daw siya kase galing siyang OBS pa nun eh kase sila yung malalakas.”

Agad daw niyang nilapitan ang tubong-Cavite para i-recruit sa kanilang panig. “Tinanong niya anong team. Sabi ko Dream High tas parang medyo hindi pa siya parang ano nagbackground check muna siya kung sino ba kami. Tapos kase nung time na yon nagttournament tournament na tas parang nakita niya siguro na yung mga malalakas din yung mga tinatalo namin,” pagtutuloy ng MPL KH champion coach.

Team 2 ng Dream High Gaming

Credit: Dream High Gaming
  • Zico
  • Mik
  • Fall
  • H2wo
  • Baloyskie

Kalaunan ay ipinamalas ng parehong teams ang bagsik nila sa amateurs, kung saan muli’t-muling namayagpag ang bandera ng Dream High. Hindi na lumingon pabalik ang mga ito ng matagpuan nila ang kanilang mga sarili sa pro play, sa pagkakataong ito naman, ay sa hanay ng Yellow Hedgehogs.

Nagkahiwa-hiwalay man ng landas ngayon ang mga miyembro ng matunog na amateur squad, sinabi ni Zico na baon nila ang mga aral na napulot nila sa aba nilang pagsisimula: Mata sa langit, paa sa lupa.

Para sa iba pang MLBB content, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: ‘Unang tinarget’ ni Coach Yeb na gabayan ang ONIC Esports player na ito bago magsimula ang MPL ID S10