Maagang natupok ang nag-iisang pambato ng Cambodia na BURN X FLASH sa ONE Esports Mobile Legends: Bang Bang Professional League Invitational 2022 (MPLI 2022) matapos kapusin sa mahigpit na bwena manong serye laban sa Orange Esports ng Malaysia.
Napuwersa ng MPL KH Autumn Split 2022 champions sa ilalim ni Pinoy coach John Michael “Zico” Dizon ang do-or-die Game 3 ngunit hindi nila nagawang makumpleto ang reverse sweep kontra sa MPL Malaysia Season 10 3rd placer.
Tanggal na sila Zico at BURN X FLASH sa 20-team tournament pero makakakuha pa rin sila ng $1,000 o nasa PHP58,000 na premyo.
Samantala, haharapin naman ng Orange ang mananalo sa susunod na serye tampok ang Geek Fam ni Allen “Baloyskie” Baloy kontra RRQ Sena sa bracket na binuo ni Blacklist International head coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza.
Lolita ni SoloAim bumida para manaig ang Orange Esports laban sa BURN X FLASH
Sobrang dikdikan ng bakbakan sa deciding Game 3. Parehong may tsansa ang koponan na mangibabaw sa laro na tumagal ng mahigit 31 minuto pero sa dulo ay Orange Esports pa rin ang natirang matibay salamat sa Lolita ni Muhammad Aiman “SoloAim” Abas.
Sa huling clash, tumulong si SoloAim na mapatumba ang Claude ni Pinoy gold laner Jhonwin “Hesa” Vergara bago nakawin ang Lord gamit ang Charge! enhanced basic attack. Nagmartsa ang Orange kasama ng Evolved Lord at binura ang tatlo pang miyembro ng BURN X FLASH upang tuldukan ang mainit na serye.
Dinikta ng Orange Esports ang tempo sa Game 1 at nagdomina sa buong laro. Bagamat sumubok ang BURN X FLASH na mag-comeback sa likod late game heroes na Claude ni Hesa at Cecilion ni Sok “C Cat” Roth, ‘di ito pinayagan ni MPL MY MVP Luk “AmeLenz” Yip sa kanyang Brody.
Sa bandang 24 minuto habang nagaganap ang Lord dance, sinamahan ni AmeLenz ang kanilang Benedetta at pinitas ang dumidipensang Esmeralda. Sunod nilang nilikuran ang BURN at pinaslang ang jungle Martis sabay kuha ng Evolved Lord para iselyo ang panalo.
Maaga na namang umariba ang Orange Esports sa Game 2 pero sa pagkakataong ito ay nakumpleto na ng BURN X FLASH ang comeback sa likod ng napakakunat na Uranus ni Kosal “ATM” Piseth.
Sa 16-minute mark, tinangke ni ATM ang gank attempt ng OE at nabigyan ang kanyang mga kakampi ng sapat na oras para rumesponde. Pinakawalan ni Hesa (Lesley) ang kanyang burst physical damage para itumba ang tatlong kalaban. Mula dito ay umarangkada na ang BURN upang maitabla ang serye ngunit sa kasamaang palad ay kinapos sila sa panapos na laro.
Maaari niyong panoorin ang ONE Esports MPLI 2022 sa opisyal na platforms ng ONE Esports: Facebook, TikTok, YouTube, Twitch at Twitter.
Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.