Hindi tumigil sa pagpaslang sa world champions ang ONIC PH dahil dinamay na rin nila ang makamandag na Smart Omega sa listahan ng mga koponang tinalo nila sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10).
Nagtapos ang ikalawang linggo ng gumugulong na season na tabla sa walong puntos ang Blacklist International, Smart Omega, at ONIC PH. Pero matapos ang ikalawang araw ng ikatlong linggo ng regular season, nagawang talunin ng mga dilaw na hedgehgog ang mga kahati nila sa top seed para pangibabawan ang standings ng liga.
Sensui, Super Frince bumida para masolo ng ONIC PH ang top seed ng standings
‘Di tulad sa anime na Ghost Fighter, o YuYu Hakusho, si Sensui ang nagtagumpay nang makaharap niya si Raizen ngayon sa MPL PH S10. Tampok sa ikalawang mapa ng kanilang bakbakan ang magic-type Karina ng rookie jungler na pumunit sa hanay ng mga taga-Barangay.
63-porsyento ng mga kill na naitala ng ONIC PH ay nanggaling sa Karina ni Sensui. Kasama na dito ang magtiyaga niyang paghihintay sa Ling ni Raizen habang nag-aambahan ang mga koponan sa may Lord, bandang 18-minuto ng bakbakan.
‘Pag dating sa do-or-die game, si Frince “SUPER FRINCE” Ramirez naman ang nagmalas ng husay umasinta. Muling napasakamay ng 18-taong-gulang na midlaner ang paboritong Selena na tumulong para sumelyo ng kills at objectives para sa kanyang mga koponan.
Lumagpas pa sa 16 minuto ang ikatlong mapa ng serye, pero hindi ito sapat para mapagana ng Smart Omega ang kanilang ‘Omega Timer’. Wala na kasing kayang uminda sa damage ng Beatrix ni Kenneth “Nets” Barro na nagpapatutok sa buhay ng huling Lord ng laro. Tinapos ni SUPER FRINCE ang game three na may 100% kill participation mula sa dalawang kills at walong assists.
Sa Biyernes, ikalawa ng Setyembre ang susunod na laban ng ONIC PH, kontra naman sa world champions ulit na BREN Esports. Nakatakda itong iraos sa ganap na ika-anim ng gabi.
Masusubaybayan ang mga laban sa opisyal na YouTube at Facebook pages ng MPL Philippines.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Sinelyo ng MSC 2022 lineup ng RSG PH ang panalo kontra BREN Esports sa MPL PH S10