Nakuha ng ONIC PH ang huling halakhak matapos patumbahin ang Nexplay EVOS, 2-1 sa muling pagtatagpo ng mga halimaw sa amatuers sa Day 3 ng Week 2 ng MPL Philippines Season 11.

Kinailangang lampasan ng Yellow Hedgehog team ang matarik na bangin sa unang bahagi ng game three bago sakupin ng Xavier ni Frince “Super Frince” Ramirez at Karrie ni Kenneth “Nets” Barro ang late game papunta sa tagumpay.

Credit: MPL Philippines

Matapos ang serye, inamin ng mga miyembro ng ONIC PH sa press conference na masaya sila sa naging resulta ng mala-game of the season bakbakan, lalo pa’t ito ay kaharap ng karibal nilang Minana players na ngayon ay bumubuo sa NXPE.


Nets, Super Frince at Coach Bluffzy sa tagumpay ng ONIC PH kontra sa mga dating karibal na Minana players

Sinikap ng media na alamin kung ano ang nararamdaman ng mga miyemrbo ng ONIC PH pagkaraang i-welcome sa MPL stage ang dating mga karibal sa amateur eksena.

Credit: MPL Philippines

Para kay Sensui, nakatulong ang kanilang karanasan sa pro scene para baguhin ang ihip ng hangin kontra sa mga players ng Minana. “Masaya po. Kase nung amateur palang po kame ano eh, sorabng ano nung work ethic namen noon eh. Kumbaga parang ano, after ng matches namen di na nagprapractice, kanya-kanya na.”

“Kumbaga ibang-iba na yung work ethic namen ngayon, disiplinado kame ngayon. Ito yung form namen ngayon kaya feeling ko kayang-kaya namen sila,” dagdag ng ONIC PH jungler na pumihit ng krusyal na retribution play sa Lord fight sa huling bahagi ng laro.

Si Nets, pareho ang galak na nararamdaman.

Credit: MPL Philippines

“Kasi hindi po talaga kami manalo sa kanila sa amateur. Lagi po bitin yung ano namen, sa finals. Lagi kaming natatalo kaya minsan sabi namen sa sarili namen, sige hayaan mo sa kanila ‘yan,” sambit ng dating gold laner ng Monster Anarchy na dinomina ang late game para iangat ang kaniyang team sa 2-1 series win.

Para naman kay Coach Mark “Bluffzy” Reyes, nakatulong ang maagap nilang mindsetting sa kanilang players bago sumalang sa stage kasama ang Nexplay.

Credit: MPL Philippines

“Lagi nameng pinapaalala sa kanila na yung amateur scene is different na sa MPL. And hindi naman namen kailangan patunayan na mas malakas kami sa kanila kase at some point yung competition na yon, makakadagdag lang sa pressure na manalo eh,” tugon ng second-year head coach.

Pagliliwanag pa niya, “Ang sa amen lang, laruin lang namen yung laro namen. Kailangan namen na manalo dito sa MPL, hindi namen kailangang patunayan na mas malakas kame sa kanila.”

Credit: MPL Philippines

Isasarado ng ONIC PH ang Week 2 ng regular season hawak ang 2-2 kartada, at susubukang pag-igihin ang kanilang tira bago sumalang kontra sa defending champions Blacklist International sa March 3.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa updates tungkol sa MPL PH.

BASAHIN: Life Coach Pheww? Ito ang maipapayo ng kapitan ng Bren sa TNC para malagpasan ang lose streak sa S11