Muli nanamang pinatunayan ng ONIC PH kung bakit isa sila sa pinaka-inaantabayanang teams sa MPL Philippines Season 10.

Kontra sa reigning MVP na si Dylan “Light” Catipon at ang kaniyang RSG PH, hindi natinag ang Yellow Hedgehog team na nagningas sa dalawang magkasunod na laro para puguin ang defending champions sa ikalawang pagkakataon.

Sa proseso, makukuha ng ONIC PH ang 1st place ranking sa regular season matapos ang Week 6, at hihirangin bilang pinakaunang team na makakaselyo ng playoff berth sa gaganaping playoffs.


Sensui at Rapidoot naglagablab para sa ONIC PH, binaon ang RSG PH sa 2-0

Credit: MPL Philippines

Desimulado ang galaw ng parehong teams na naghalinhinan sa pagkuha ng kalamangan sa pagbubukas ng Day 3 matchup. Kitang-kita ang gilas ng ONIC PH at RSG PH sa macro play at positioning kung kaya’t naging mahigpit ang bakbakan sa pagkuha ng objectives, ngunit sunod-sunod na brilyanteng plays ang ipinamalas ng mga miyembro ng Yellow Hedgehog team na nagbigay sa kanila ng tiyansang maka-una.

Susi ang pasensyosong galaw nina Nowee “Ryota” Cabailo (Paquito) at  Ralph “Rapidoot” Adrales (Chou) sa ika-23 minuto ng laro kung saan natunton nila ang Claude ni Eman “EMANN” Sangco para sa key pick off. Dahil dito ay nagkakumpiyansa si Stephen “Sensui” Castillo na umpisahan ang pagkuha ng Lord.

Gayunpaman, hindi ginawang madali ni Nathanael “Nathzz” Estrologo na makuha ng ONIC PH ang importanteng objective. Pinuwersa ng MSC 2022 MVP ang kaniyang Masha sa backlines para pagkakalmutin ang Beatrix ni Kenneth “Nets” Barro na tuluyang binulabog ang formation ng kalaban at bigyan ng puwang ang kaniyang RSG PH na makapuwesto sa pit.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Sa puntong ito ay maseselyo na sana ng defending champions ang objective, ngunit isang high-level play mula kay Sensui ang epektibong pumuksa sa pag-asang ito.

Habang rumaragasa si Nathzz sa backlines ay nagmukhang reresponde din ang Karina ng ONIC PH jungler ngunit saglit na sandali bago mapatay ang Lord ay mala-Hayabusa na play ang pinagulong ni Sensui ng bumalik siya sa kaniyang Shadow para sa retribution at Lord steal.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Hindi na lumingon pabalik ang ONIC PH matapos manalo sa team fight at sa objective-take. Tinapos nila ang laro sa sumunod na minuto, at hinirang na MVP of the Game si Sensui na pumukol ng 5/2/7 KDA.

Kung anung haba ng game one ay gayon naman kabilis ang kongklusyon ng ikalawang mapa. Ito ay karugtong ng tanky hero draft na isinalang ni Coach Mark “Bluffzy” Reyes para isarado ang serye.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Hindi nakaporma ang RSG PH sa kakaibang-lebel ng sustain ng Baxia, Atlas, Thamuz, Faramis at Irithel ng ONIC PH na maagang nakuha ang kalamangan sa rotation at objectives. Bagamat inasahan ang Claude ni EMANN sa late game ay hindi na nabigyan ng tiyansa ang marksman na mag-scale up dahil sa bilis ng ikot ng team ni Coach Bluffzy na tinapos ang laro sa loob lamang ng 11 minutes.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Matapos ang 2-0, opisyal ng makakalahok ang ONIC PH sa MPL PH S10 playoffs. Makapaglilista din sila ng 21 points katumbas ng 1st place sa regular season standings matapos ang Week 6.

Sundan ang pinakahuli sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: BREN tumindig kontra BLCK, kumalawit ng 2-1