Tagumpay na nadepensahan ng ONIC Esports ang kanilang championship title sa ONE Esports Mobile Legends: Bang Bang Professional League Invitational 2022 (MPLI 2022) matapos i-reverse sweep ang Geek Fam ID, 3-2, sa grand final.
Hindi maipagkakaila kung gaano kaganda ang naging performance ng koponan nina Baloyskie sa buong turneo, lalo na’t sila ang nagsilbing dahilan sa pagkakalaglag ng M3 World Champion na Blacklist International at MLBB Southeast Asia Cup 2022 (MSC 2022) champion na RSG Philippines.
Gayunpaman, nanaig pa rin ang kampeon ng MPL Indonesia Season 10 nang makaharap nila ito sa isang all-Indonesian grand final.
ONIC Esports, sinagot ang Lethal Burst Damage meta ng Geek Fam ID sa grand finals ng MPLI 2022
Nagsalitan ng pagpapakitang-gilas sina Caderaa at LUKE sa unang mapa ng best-of-five para agad matulak sa match point ang serye. Napairal pa rin nila ang draft nilang sumasandal sa burst damage at EXP lane na Tank hero ang tumatao.
Tangan pa rin ng Geek Fam ID ang momentum pagpasok sa ikatlong mapa. Lamang sila sa unang limang minuto ng laro pero unti-unti itong nabaligtad ng ONIC Esports matapos ang ilang pagkakataon ng pagmama-asim.
Sa ika-apat na mapa, pinatunayan ng ONIC Esports na kaya na rin nila makipagsabayan sa mga baong stratehiya ng Geek Fam ID. Naglabas sila nito ng mid Akai para kay Drian para tapatan ang Yve ni Aboy.
Walang humpay ang mga dilaw na hedgehog sa pag-ikot sa mapa sa larong ‘to para maghanap ng kills. Sinigurado nilang hindi makakalipad ang Wanwan ni Caderaa, matapos nila itong dalawan nang dalawan.
Pinuwersa ni Kairi ang do-or-die na mapa gamit ang Gusion. Nagtala siya ng game-high nine kills, mula sa 15 na kabuuang kills ng kanyang koponan, na dinagdagan pa ng apat na assists kontra tatlong deaths.
Sa ikalima at huling mapa ng serye, tuluyan nang nag-flex ang ONIC Esports ng kanilang malawak na hero pool. Binigyan nila si Kairi ng Jungle Chou at Moskov naman kay CW para sagutin ang Fanny ni Janaaqt.
Sulit Moskov sa kamay ng Indonesian gold laner matapos niyang magtala ng game-high 70,776 hero damage dealt. Siya rin ang kumana ng game-high eight kills, na sinamahan pa ng siyam na assists.
Bukod sa pagselyo ng back-to-back championship title, mag-uuwi rin ang ONIC Esports ng US$35,000, ang pinakamalaking bahagi ng US$100,000 na prize pool.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: MPLI 2022: Schedule, format, mga team, saan mapapanood at mga resulta