Sigurado na ang sina Pinoy star jungler Kairi “Kairi” Rayosdelsol at ONIC Esports sa playoffs upper bracket ng MPL Indonesia Season 10. Kasalukuyang nasa tuktok ng standings ang Yellow Hedgehogs matapos makalasap ng upset sweep ang RRQ Hoshi sa kamay ng Rebellion Zion.

Isang panalo na lang sa huling dalawang serye nila ay maseselyo na ng ONIC ang top seed papasok ng playoffs. Gayunpaman, sinabi ni veteran EXP laner Muhammad “Butsss” Sanubari na hindi sila magpapakampante at mananatiling all-in sa panapos na linggo ng second half ng regular season.


Ang dahilan bakit ganado pa ring maglalaro ang ONIC Esports sa huling linggo ng regular season

Butss ng ONIC Esports
Credit: MPL Indonesia

Sa kanyang livestream, sinabi ni Butss na itotodo pa rin ng ONIC Esports ang kanilang performance sa dulo ng regular season.

Bukod kasi sa momentum na maibabaon nila papuntang playoffs, may kaakibat rin na gantimpalang pera ang bawat panalo sa MPL ID na ibibigay sa pagtatapos ng season.

“You can’t (lose) at the end of the regular season, there’s the money. Every win gives prize money from MPL Indonesia,” paglalahad ni Butss.

Totoo nga naman na nagbibigay ang MPL Indonesia ng prize money sa mga kasaling koponan, lalo na kapag nakakakuha sila ng panalo. Ang premyo ay madalas tinutukoy bilang “performance money” na iniaabot sa team management.

“So if we perform and win, we will get the prize money and it will all be counted later. If you lose, it depends. For example, losing 2-1 maybe there is still money,” dagdag niya.

ONIC Esports
Credit: ONIC Esports

Dahil dito, tiwala si Butss na hindi magpapakampante ang ONIC Esports. Naniniwala rin siya na hindi basta-basta bibitawan ng kanyang mga kakampi ang naipon nilang momentum sa ikalawang half ng regular season.

Sa panapos na Week 8, haharapin ng ONIC Esports ang Geek Fam ID sa unang araw ng Oktubre at Alter Ego sa susunod naman na araw.

Para sa Mobile Legends news at guides, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.


Hango ito sa artikulo mula sa ONE Esports Indonesia.