Sasabak ang ONIC Esports sa kanilang ikalawang M Series tournament sa papalapit na M4 World Championship. Susubukan ng kasalukuyang hari ng MPL Indonesia ang kanilang nakakadismayang kampanya noong M3.
Sa M3, pumalakda ang Yellow Hedgehogs sa ilalim ng ONIC PH, Todak at Vivo Keyd sa Group B. Isang sorpresa na makita sila Muhammad “Butsss” Sanubari at kanyang mga kakampi na magsimula sa lower bracket playoffs.
Nawalis nila ang Team SMG sa unang round ngunit tuluyan silang napauwi ng hinirang na world champions na Blacklist International sa sumunod na serye. Siyempre ayaw na nila itong maulit sa M4, lalo na si coach Ronaldo Aditya “Aldo” Lieberth, na naniniwala sa bentahe na meron sila bago pa man magsimula ang unang araw ng torneo.
Importante ang homecourt advantage para sa ONIC Esports sa darating na M4, sabi ni Coach Aldo
Bilang mga pambato ng host country na Indonesia, siguradong may hawak na agad na kalamangan ang ONIC Esports at RRQ Hoshi. Bukod sa direktang suporta mula sa fans, may iba pang mga bagay na nakikita si Coach Aldo na makakabuti para sa kanila.
Sinabi ni Aldo na wala nang adaptation process sa kapaligiran at iba pang mga bagay na kailangang gawin ng ONIC sa ikaapat na pagdaraos ng Mobile Legends world championship na gaganapin sa Jakarta. Kaiba ito kumpara sa naranasan nila sa noong M3 sa Singapore.
“Kalau berkaca dari pengalaman, pastinya kami sudah tidak butuh adaptasi lingkungan, seperti dengan tempat tinggal, orang-orang di sekitar, apalagi soal makanan yang sangat berpengaruh (Kung titignan, ‘di na namin kailangan umangkop sa mga bagay tulad ng lugar na titirhan, mga tao sa paligid, at lalo na sa pagkain na talaga namang malaki ang epekto),” saad ni Aldo sa panayam ng ONE Esports.
“Jadi karena kami sudah familiar dengan tempatnya, sudah tidak ada alasan lagi soal adaptasi lingkungan. Menurut saya, ini akan menjadi pengaruh paling besar, berdasarkan pengalaman (At dahil pamilyar na kami sa lugar, wala nang rason patungkol sa environmental adaptation. Tingin ko ‘yon ang pinakamalaking bagay, base na rin sa karanasan namin),” dagdag pa niya.
Inamin ni Aldo na medyo nahirapan ang ONIC sa Singapore noong M3. Hindi naging madali para sa mga manlalaro ang pagkakaroon ng mataas na bilang ng COVID-19 cases noong mga panahong iyon.
“Sekarang karena akan bermain di Indonesia, sudah tidak ada alasan seperti itu lagi sih. Seharusnya kami sudah terbiasa dan bisa all out dari awal (Ngayong maglalaro kami sa Indonesia, wala nang mga dahilan na ganun. Dapat sanay na kami at all out na agad simula pa lang),” ani niya.
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa Mobile Legends news, guides at updates.
Ito’y pagsasalin ng akda ni Verdi Hendrawa ng ONE Esports Indonesia.