Sa panapos na match ng MPL Indonesia Season 10 Week 7, sinigurado ng ONIC Esports ang kanilang upper bracket playoff spot matapos padapain ang EVOS Legends sa iskor na 2-1. ‘Di naman na kataka-taka ito dahil sa magandang performance nila Pinoy star jungler Kairi “Kairi” Rayosdelsol at kanyang mga kakampi sa tumatakbong regular season.
Sa kabilang banda, dinaranas ng EVOS Legends ang isa sa pinakamalalang pagbagsak sa kasaysayan ng liga. Pagkatapos kasi pagharian ang first half ng regular season, ngayon ay nanganganib na silang hindi makapasok sa playoffs sa unang pagkakataon simula noong sumali sa MPL ID.
Sinamantala ng ONIC Esports ang hero pool ng EVOS Legends
Tumaas ang pag-asa para sa EVOS Legends nang makuha nila ang unang panalo sa serye sa pamamagitan ng isang comeback. Nasa panganib nang masira ang kanilang base turret, pero gumawa ng malupit na depensa si Hafizhan “Clover” Hidayatullah sa kanyang Wanwan kaya nabaligtad ang sitwasyon.
Subalit pagkatapos nito, umariba na ang ONIC Esports sa likod ng matalinong drafting ng coaches ng Yellow Hedgehogs na sinupalpal ang stratehiya ni White Tigers head coach Bjorn “Zeys” Ong. Sa post-match interview, ibinunyag ni ONIC coach Ahmad “Mars” Marsam ang ginawa nila upang manalo.
“Sinamantala namin ang limitadong hero pool ng EVOS Legends. Pero kung tutuusin, iyon rin ang bagay na dapat naming bantayan. Kung mas malaki kasi ang hero pool nila, tingin ko ay hindi sila gaanong kalakas,” paliwanag niya.
Ibinahagi ni Coach Yeb ang pinakamabisang paraan para makabangon ang EVOS Legends
Nagsalita rin sa interview si Denver “Coach Yeb” Miranda. Kita ang kondisyon ng EVOS Legends, naalala ng Pinoy coach ang kanyang karanasan sa Cignal Ultra noong MPL Philippines Season 7. Noong panahong iyon, hindi nanalo ng ni isang serye ang kanyang koponan.
Matibay ang mensahe noon ni Coach Yeb sa kanyang mga manlalaro na magkaroon ng champion’s mentality at tingin niya ay ito rin ang kailangan ng EVOS sa ngayon.
“Ang maaring makapaglitas sa EVOS Legends ay ang kanilang kagustuhan na maging kampeon at hindi sumuko. Noong kino-coach ko ang Cignal Ultra sa MPL PH Season 7, hindi kami nanalo. Pero lagi naming iniisip ang bawat laro bilang huling laro namin at doon namin naibibigay ang lahat. ‘Yun ang champion’s mentality na kailangan ng EVOS ngayon,” wika ni Coach Yeb.
Interesanteng makita kung makakaahon ba ang EVOS Legends sa huling linggo ng season.
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita at guides patungkol sa Mobile Legends.
Base ito sa artikulo ni Alfa Rizki ng ONE Esports Indonesia.
BASAHIN: Baloyskie, naghain ng palagay ukol sa losing streak ng EVOS Legends