Bilang isa sa mga beterano at pinakabantog na manlalaro sa liga, hindi maikakaila na may bigat ang opinyon ni John “H2wo” Salonga sa kung sino ang player na dapat mahalal sa prestihiyosong Hall of Legends sa kongklusyon ng MPL Philippines Season 11.
Para sa RSG Slate Philippines jungler, isa lamang ang nasa utak niya sa usaping ito, at ito ay ang Blacklist International EXP laner na si Edward “EDWARD” Dapadap.
Bakit si EDWARD ang manok ni H2wo sa HoL sa MPL PH S11
Sa pre-game interview, inilahad ni H2wo ang sa tingin niya ay karapat-dapat na manlalarong mapasama sa eksklusibong grupo. Ito ay wala daw iba kundi si EDWARD.
Diretso lamang ang tugon ng bantog na pro kung bakit niya napili ang 19-anyos. “Kasi napaka-consistent niyang player tiyaka yung mga achievements niya madame,” simpleng sambit ng RSG jungler.
Hindi lamang si H2wo ang aktibong pro player na naging bukas sa nominasyon para sa 2-time MPL PH Finals MVP. Matatandaan na nauna nang nagpahayag ng kaniyang kinikilingan ang Bren Esports captain at mismong Hall of Legends member na si Angelo “Pheww” Arcangel, pati na rin ang kapwa Blacklist pro players at HoL members na sina Jonmar “OhMyV33NUS” Villaluna at Danerie “Wise” Del Rosario.
Inaantabayanan sa dulo ng MPL Philippines Season 11 ang isang player na madadagdag sa listahan ng prestihiyosong hanay. Samantala, nanatiling bukas ang nominasyon mula sa fans sa Facebook at Tiktok hanggang April 16.
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa pinakahuli ukol sa MPL PH.
BASAHIN: Si Yawi ang boto ni Bennyqt para maging susunod na Hall of Legends inductee