Pasabog ang panimula ng Week 7 ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 11 (MPL PH S11) matapos maghalinhinan ang Blacklist International at ONIC Philippines para makuha ang mahalagang series win para maka-angat sa regular season standings.
Samantala, ipinakita ng TNC Pro Team ML ang kanilang tikas sa paboritong ECHO para mapanatiling buhay ang kanilang pag-asa na makapasok sa playoffs.
Blacklist itinumba ang ONIC PH, sigurado na sa MPL PH S11 playoffs
Pagalingan mag-macro play ang naging tema sa unang seryeng itinampok sa MPL PH Season 11 Week 7 Day 1. Sa huli, ang dekoradong Blacklist International pa rin ang nanaig kontra ONIC PH, 2-1, paraan para maselyo ng defending champions ang tiket pabalik sa playoffs.
Hindi naging maganda ang bueno-manong laro ng koponan ng Tier One. Ito ay pagkatapos magsalang ng isang brilyanteng Valentina game (2/0/4 KDA) si Frince “Super Frince” Ramirez para ilagay sa alangin ang hanay ni Edward “EDWARD” Dapadap.
Gayunpaman, sinigurado ng Blacklist EXP laner na hindi sila tuluyang mapapatid dahil pambihirang hawak sa Joy (5/2/3 KDA) ang isinukli niya sa ikalawang mapa para gawing best-of-one ang serye.
Dito na pinatunayan ni Lee “Owl” Gonzales ang kaniyang kalibre sa gold lane. Lapnos ang Hedgehog team sa kaniyang Karrie (7/1/2 KDA) na sentro sa late game atake ng Blacklist para maisara ang laro sa lampas 21-minutos.
TNC binigla ang ECHO, 2-0
Matapos tibagin ang Bren Esports sa Week 6, nagpatuloy ang pagbaga ng TNC Pro Team ML matapos makakalawit ng sweep kontra sa mapanganib na ECHO.
Sinigurado ni Ben “Benthings” Maglaque na tutuloy pa rin ang Biyaheng Tagumpay sa MPL PH Season 11 kasunod ng magilas niyang performance sa Franco (2/1/8 KDA) para itulak ang Purple Orcas sa 0-1 bangin.
Hindi na lumingon pabalik ang Phoenix Army kahit pa malaking pangamba ang ibinigay Claude ni Benedict “Bennyqt” Gonzales sa late game. Krusyal ang tagumpay ng TNC sa team fight sa ika-36 minuto ng laro kung saan nagawang makuha ni King Cyric “K1NGKONG” Perez ang objective, kasama pa ng kill sa Alice ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno.
Kalaunan ay hinirang na MVP of the Game si K1NGKONG dahil sa kaniyang swabeng performance sa Tank Lancelot na kuma ng 4/2/10 KDA.
Manatiling nakatutok sa mga kaganapan sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!