Kasalukuyang naghahanap ng mga manlalaro ang SIBOL MLBB coach na si Francis “Coach Duckey” Glindro na bubuo sa koponang isasalang ng Pilipinas sa darating na MLBB esports event sa ASEAN Para Games sa June 3 hanggang 9.
Ito ay kasunod ng patalastas ni Coach Duckey sa Facebook kung saan idinetalye niya ang mga kwalipikasyon para sa Mobile Legends players na interesadong lumahok sa gaganaping event sa Cambodia.
Sa likod ng Bren Esports coach ang pinagsamang suporta ng Philippine Esports Organization (PESO) at Philippine Paralympics Committee (PPC) na isinusulong ang kampanyang isali ang disabled MLBB athletes sa internasyonal na patimapalak.
Ito ang unang pagkakataon na itatampok ang esports sa ASEAN Para Games bilang demo sport alinsunod sa pinirmahang Memorandum of Agreement (MoA) sa pagitan ng Cambodia ASEAN Para Games Organising Committee (CAMAPGOC) at digital and marketing agency na Team Two, Disyembre noong nakaraang taon.
Kwalipikasyon para makasali sa MLBB team ng Pilipinas para sa ASEAN Para Games 2023
- Gumagamit ng wheelchair
- May kapansanan sa paglalakad
- Mga amputee na gumagamit ng assistive devices
- Nasa 16-28 taong gulang.
- May 2000-3000 mythic points noong nakaraang season
- Team player
- Critical thinker
- Nakahandang magsanay sa itinakdang training hours hanggang dumako sa event
- Maaaring lumipad papunta ng Cambodia sa June 1.
- May valid passport na lampas isang taon pa ang pagkapaso.
Para sa mga interesado, maaaring punan ang application form na ito.